Prov’l buses larga na ulit sa MM

April 1, 2022 Jun I. Legaspi 251 views

MAY kita na!”

Ito ang mensahe ni Engineer Alex Yague, Executive Director ng Provincial Bus Operators Associations of the Philippines (PBOAP) sa kanilang pagbabalik-biyahe muli sa Metro Manila (MM) ayon na rin sa utos ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at ng Inter-Agency Task Force (IATF).

“Basta maayos ang dispatching, pre-booking ng mga pasahero at siguraduin 70 to 80% ang sakay na pasahero, sigurado na ‘break even’ na kami, pero yung mas mataas na load passenger may kita na,” saad ni Yague.

Mariin din nanawagan si Yague sa mga pasahero na magplano sa kanilang biyahe at tiyakin kumuha ng pre-booking tickets para sa siguradong biyahe at tiyaking walang pagbabago sa pamasahe.

“Kasi sa pre-booking alam muna kung puno ang seating capacity, tiyak na walang masasayang na diesel hindi tulad nung tatakbo ang isang bus na ang sakay ay apat o limang pasahero lugi talaga,” saad ng isang miyembro ng PBOAP.

Kaugnay nito, muling nanawagan ang grupo sa Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) payagan ng dumiretso ang mga bus company na merong mga bus terminal sa loob ng Metro Manila.

Ayon sa PBOAP lalo na ngayon na nagsisimula ng dumagsa ang mga pasahero na pauwi ng kanilang mga probinsiya bilang paghahanda sa nalalapit na Semana Santa sa Abril 11-17, 2022.

Gayundin anya ang nalalapit na national election sa Mayo kung saan maraming mga botante na nagtratrabaho sa Metro Manila at lingguhan kung umuwi sa kanilang mga probinsiya.

Paliwanag ng grupo dapat ngayon pa lang ay maiayos na ang plano dahil tiyak na dadagsa ang mga pasahero sa lahat ng bus terminals.

Umaasa rin ang grupo na papayagan na sila ng DOTr, MMDA (Metropolitan Manila Development Authority), at LTFRB na dumaan at dumiretso na ang kanilang mga bus sa kani-kanilang mga terminals para na rin sa kaginhawaan ng lahat lalo na ng mga pasaherong senior citizens at mga persons with disabilities (PWD).

AUTHOR PROFILE