Provincial buses umaasa sa balik biyahe

February 19, 2022 Jun I. Legaspi 169 views

UMAASA ang samahan ng mga provincial buses na makakabalik na sila sa biyahe dahil sa posibleng bumalik na sa normal ang panahon.

Ayon kay Engineer Alex Yague, executive director ng samahan ng mga provincial buses, bagamat bilyon ang nalugi at patuloy na nalulugi ang samahan, positibo silang muling makakabangon oras na mag-full operation na sila at payagan ng bumiyahe at gamitin na ang kanilang-kanilang mga terminal sa loob ng Metro Manila.

Ayon kay Yaque, mula ng tumigil ng operasyon ang mga provincial buses dahil sa pandemic, naglipana at nanamantala ang operations ng mga “colorum” at wala naman magawa ang mga commuters kundi sumakay dahil kailangan nilang makarating sa kanilang mga pupuntahan.

Umaasa ang grupo sa darating na buwan ng Marso ay bibigyan na sila ng “go” signal ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Inter-Agency Task Force (IATF) na unti-unting makabalik na sa biyahe hanggang sa normal na operasyon.

Sa hiwalay na interview sinabi naman ng isang provincial operator kailangan nila ang P200,000 budget para patakbuhin uli ang isang bus na natengga.

“Kasi kailangan, palitan ang 6 na gulong, battery, flushing ng mga engine ng makina, repair ng mga upuan at mga accessories, e kung ang unit mo 100 kailangan mo ng P20 million para mapaadar lahat yun, eh 2 taon walang kita, saan mo kukunin yun,” saad ng operator.

Dagdag pa ng mga operator, puro gastos din sila pagsuporta sa kanilang mga drivers, conductors, mechanics, at iba pang mga tauhan sa buong panahon ng pandemic.

Isa pang problema na kinakaharap ng mga operators ay ang pondo dahil mayorya ng mga bus units ay financed o utang sa mga banko at mga financial institutions – at ang interest nito ay kailangan i-restructure, saad ng isang bus operator.

Gayunpaman positibo ang mga provincial operators na makakabawi sila oras na magbalik na ulit sa normal operations.

AUTHOR PROFILE