Imee

Proteksyon sa informal workers malapit na–Imee

December 5, 2023 PS Jun M. Sarmiento 490 views

TINIYAK ni Sen. Imee Marcos na malapit nang maisapinal ng Senado ang international labor treaty na magbibigay ng proteksyon sa mga informal workers at mga regular na empleyado laban sa pisikal, sekswal, psychological, at ekonomiyang pang-aabuso.

Sinabi ni Marcos, chairperson ng Senate Committee on Foreign Relations, na handa niyang irekomenda ang International Labor Organization Convention 190 sa plenaryo ng Senado matapos na makakuha ng buong pagsang-ayon mula sa mga pangunahing ahensiya ng gobyerno at mga non-governmental organizations sa pagdinig ng komite noong nakaraang linggo.

“Bumubuo ng 42 porsyento ang mga di-pormal na mga manggagawa ng lakas-paggawa ng bansa, karamihan sa kanila ay mga magsasaka, kasambahay at mga gig workers sa mga industriya ng sining,” ayon sa senador.

Idinagdag ng senadora na maaaring mas mataas pa ang bilang kung makakagawa ng isang tumpak na pambansang imbentaryo sa mga informal workers.

Nagpapalawak ng saklaw ng kasunduan ang pinalawak na kahulugan ng lugar ng trabaho hindi lamang sa opisina kundi pati na rin ang mga lugar kung saan sila kumakain o nagpapahinga ang mga manggagawa, mga pasilidad para sa kalinisan at lugar kung saan nagpapalit ng damit, mga iniaalok na tirahan ng mga employer, mga lugar ng mga biyahe at social activities kaugnay ng trabaho, pati na rin ang mga virtual spaces kung saan nagaganap ang mga komunikasyon o ugnayan tungkol sa trabaho.

Bukod sa mga informal workers, pinoprotektahan din ng kasunduan ang mga trainee, intern, apprentice, volunteer, aplikante ng trabaho at mga manggagawang natanggal sa dating trabaho.

Para sa ganap na pagsunod sa kasunduan, pinabubuo ni Marcos ang dalawang technical working group para matukoy kung aling mga pambansang batas ang dapat baguhin at para mag-organisa ng isang mapagkakatiwalaang imbentaryo ng informal workers.