Quiboloy

PROSESO NG KONGRESO IRESPETO

February 26, 2024 People's Tonight 79 views

IGINIIT ni Deputy Speaker at Quezon 2nd District Rep. David “Jay-jay” Suarez ang kahalagahan na irespeto ang proseso ng Kamara de Representantes at Senado na ginawa nitong paglalabas ng subpoena laban sa televangelist na si Pastor Apollo Quiboloy.

“I think we need to respect the legislative processes of both the Senate and the House. It is the prerogative of the committees to determine and to invite resource persons so that proper legislations can be enacted,” ani Suarez sa isang press conference nitong Lunes.

Ginawa ni Suarez ang pahayag bilang sagot sa tanong kaugnay ng pahayag ng dalawang senador na nagsabi na dapat ay kasuhan na lamang si Quiboloy sa halip na ipatawag pa sa imbestigasyon ng dalawang kapulungan ng Kongreso.

Sinabi naman ni Isabela 6th District Rep. Faustino “Inno” Dy na kung walang itinatago ay walang dapat na ikatakot si Quiboloy sa pagharap sa mga pagdinig.

“Sa atin lang gusto naman natin mabigyan ng linaw at kung wala namang tinatago, wala naman mali sa ginagawa nila, then there’s no reason not to show up here in Congress,” ani ni Dy, miyembro ng House Committee on Legislative Franchises na nagpatawag kay Quiboloy.

“You were invited, so para po sa amin ‘yun po prerogative din po natin ito, mandato po natin ito para mabigyang linaw ang ating legislation,” dagdag pa nito.

Iniimbestigahan ng House Committee on Legislative Franchises ang umano’y mga paglabag ng Swara Sug Media Corporation, na nag-o-operate bilang Sonshine Media Network International (SMNI) sa termino ng prangkisa nito. Nais ng mga kongresista na matanong si Quiboloy na sinasabing “beneficial owner” ng network.

Iniimbestigahan naman ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality si Quiboloy at ang pinamumunuan nitong Kingdom of Jesus Christ church kaugnay ng human trafficking scheme, rape, at sexual at physical abuse na kinasasangkutan nito.

“Hindi naman po dapat mauwi sa kasuhan kung wala namang krimen at kasalanan, ‘di ba? Ang hinahanap lang po ng komite ng franchise, pumunta po siya dito para sagutin po ‘yong katanungan ng mga miyembro. Wala naman po tayong pinag-uusapan na kaso, so bakit natin kailangang dalhin sa korte?,” punto ni Suarez.

Ipinaliwanag ni Suarez na nais lamang ng mga kongresista na malinawan ang mga detalye kaugnay ng pagmamay-ari ng SMNI kaya ipinatatawag ito sa Kamara.

“Meron po kasing usapin doon sa ownership at ang lumalabas doon sa Swara Sug, si Pastor Apollo Quiboloy ay tumatayong may-ari no’ng Swara Sug. But apparently nagkaro’n ng pagbabago sa ownership, kaso lang hindi maayos na maipaliwanag ng mga representatives ng SMNI kung papaano po nangyari ito,” sabi ni Suarez.

“At bilang pinuno ng Kingdom of Jesus Christ, if I’m not mistaken, I think he is the person who is with the right knowledge and information to discuss and to explain the needs and the requirements of the Committee on Franchise,” dagdag pa ni Suarez.

Iginiit rin ni Dy ang kahalagahan na masagot ni Quiboloy ang mga tanong kaugnay ng pagmamay-ari ng SMNI.

“It is very important for Pastor Quiboloy to attend the hearings because bulk of the matters, siya lang po bilang dating naging head noong SMNI ay, dapat siya po ‘yong makasagot sa mga ito,” sabi ni Dy.

“Nais malaman mula po sa mga resource persons natin, ngunit kulang ‘yong pagkakaalam or ‘yong kaalaman no’ng mga tinatanong po natin,” sabi pa nito.

Nagpalabas ng subpoena ang Kamara at pinadadala si Quiboloy sa pagdinig ng komite na pinamumunuan ni Parañaque City 2nd District Rep. Gus Tambunting sa Marso 12.

Ang subpoena ay pirmado nina Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, Tambunting, House Secretary General Reginald Velasco at Tambunting.

Kung hindi dadalo, maaaring ma-cite in contempt si Quiboloy na magreresulta sa pagpapa-aresto rito alinsunod sa Section 11 ng Rules of Procedure Governing Inquiries in Aid of Legislation ng Kamara.

AUTHOR PROFILE