Default Thumbnail

Pros, cons ng pagpapalawak ng EDCA

February 2, 2023 Paul M. Gutierrez 2837 views

PaulMULING pumayag ang Pilipinas sa kagustuhan ng Estados Unidos na magtalaga ng apat na bagong lugar sa Pilipinas na itinuturing na strategic areas bilang bahagi nang Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA na inaprubahan sa ilalim ng rehimeng Noynoy Aquino.

Ito ang naging pahayag ng Department of National Defense (DND) sa pagbisita ni US Defense Secretary Lloyd Austin III sa Camp Aquinaldo sa Quezon City sa pulong nito kay Defense Secretary Carlito Galvez Jr.

Matatandaan na pinirmahan noon ni dating Pangulong Benigno Aquino III ang EDCA taong 2014 sa layuning matugunan ang isyu sa West Philippine Sea at para umano sa pagtugon sa mga kalamidad o natural disasters.

May kasalukuyang limang lokasyon ang EDCA sa bansa. Kabilang sa mga ito ang Antonio Bautista Air Base sa Palawan na malapit sa Kalayaan Group of Isladns, Basa Air Base sa Pampanga kung nasaan ang mga eroplanong pandigma ng Philippine Air Force, Fort Magsaysay sa Nueva Ecija na pinakamalaking kampo ng militar sa bansa, sa Mactan-Benito Ebuen Air Base sa Cebu at Lumbia Air Base sa Cagayan de Oro City.

Para sa DND, ang mga itatalagang bagong lokasyon sa ilalim ng EDCA ay makakatulong (daw) para mas mapabilis ang suporta sa mga humanitarian at climate-related disasters sa bansa.

Kasabay nito ang pagbuo ng Pilipinas at US ng mga plano at investments para sa bago at nagpapatuloy na mga EDCA location kung saan naglaan ang US ng mahigit $82 milyong dolyar para sa imprastraktura sa limang lokasyon sa ilalim ng EDCA.

Kung titignan nga naman ay maganda at lumalabas na may “pakinabang” ang Pilipinas sa ilalim ng kasunduang ito. Magkakaroon (daw) kasi ng mga bagong kagamitan at kaalaman na rin ang ating mga kasundaluhan.

Maganda ang isa sa mga layunin nito dahil kasama dito ang pagtugon sa mga kalamidad at pagbibigay ng humanitarian aid sa ating mga kababayan sa panahon ng sakuna.

Ito siyempre ang magandang mukha ng EDCA na madaling mapatanggap sa mga Pilipino. Ipapakitang mabuti kung ano ang pakinabang na makukuha ng Pilipinas sa ilalim nito.

Pero hindi nito ipinapakita kung ano naman ang maganda para sa US. Dahil alam natin na hindi papasok ang US sa isang kasunduan na hindi nakasalalay ang interes ng kanilang bansa.

Tandaan natin na pinirmahan ito ni dating Pangulong Aquino sa layuning tugunan ang tensiyon sa West Philippine Sea sa pagitan ng China at Pilipinas. Bilang kilalang tuta ng US ang administrasyong Aquino, madali para dito na pirmahan ang nasabing kasunduan.

Alam ng US na nagkakaroon na ng maayos na relasyon ang China at Pilipinas at hindi ito panonoorin lamang ng US. Dahil kung tuluyang makuha ng China ang suporta ng Pilipinas sa Asya, malaking problema ito para sa US na naghahanap na ng giyera laban sa China sa darating na 2-3 taon, ayon na rin sa pag-amin ng isang US Air Force general.

Kaya naman tiyak na ang kasunduan sa EDCA ay isang matibay na estratehiya ng US para mailayo ang China sa Pilipinas at muli tayong gawing “pambala” sa kanyon (cannon fodder) sa agresyong inihahanda nito sa Asya, partikular na laban sa China.

Totoong makikinabang tayo sa EDCA kung pagbabatayan lamang natin ang mga agarang ganansya natin sa kasunduang ito. Pero kung titignan nating mabuti, malalagay ang Pilipinas sa napakalaking peligro.

Tiyak na maiipit ang Pilipinas sa dalawang makapangyarihang bansa na patuloy na naglalaban para sa dominasyon sa daigdig.

Kung kailangan ng Pilipinas na magkaroon ng mga kasunduan sa iba pang mga bansa gaya ng US at China, kailangan matiyak kung ano nga ba talagang makakatulong sa bansa.

Dahil baka makinabang tayo ng barya sa una pero baka mas malaki ang mawala sa ating bulsa, kasama na ang buhay ng milyong Pilipino.

AUTHOR PROFILE