Default Thumbnail

Programa sa pagbabakuna palawakin pa

July 31, 2021 Marlon Purification 415 views

Marlon PurificationPITUMPUNG milyong Pilipino ang target bakunahan ng gobyerno laban sa COVID-19 pandemic upang makamit ang herd immunity.

Sa unang mga pagtaya ng National Task Force on Vaccination, bago matapos ang taon ay makukumpleto na ang bakuna sa target na populasyon.

Subalit dahil sa iba’t ibang pangyayari partikular ang hirap sa suplay ng bakuna, mula sa herd immunity, tinatarget na lamang ng gobyerno ang population protection bago matapos ang taon kung saan ibinaba na sa 50 percent ang target bakunahan.

Gayunman, sa bagal pa rin ang takbo ng vaccination program, hindi kaya pati ang population protection ay hindi natin makamit ngayong taon?

Mukhang hindi naman na problema ang sinasabing paghihikayat sa publiko para magpabakuna dahil marami na ang nagparehistro para magkaroon na ng proteksyon laban sa COVID19.

Sa ating pag-iikot at pakikipanayam sa iba’t ibang barangay sa bansa, karaniwang daing ay ‘marami nang gustong magpabakuna pero wala namang bakuna’ o di kaya naman ay ‘marami ang gustong magpabakuna, hindi naman pasok sa priority group’.

Matatandaan nating may sinusunod na A1 to A5 priority groups sa pagbabakuna dahil ito raw ang pamantayan ng COVAX na siyang nagdo-donate ng mga bakuna sa iba’t ibang bansa.

Sa debate sa plenaryo ng Senado nitong Miyerkules, nanawagan na rin si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III na gawing ‘open for all’ na ang vaccination program.

Ibig sabihin, huwag nang hintayin pa ang mga nasa priority group na nagdadalawang isip pang magpabakuna at sa halip ay ibigay na sa mga may gusto ang bakunang laan para sa kanila.

Maging si Senate Majority Leader Migz Zubiri ay sang-ayon dito lalo pa’t lumitaw sa kinumisyon nitong survey na 46 percent ng mga respondents ang nagsabi na hindi sila lalahok sa eleksyon kung mataas pa rin ang kaso ng COVID-19 sa Mayo 2022.

Sinabi rin ni Zubiri na hindi nila tinututulan ang pagbibigay ng prayoridad sa Metro Manila para sa suplay ng bakuna subalit dapat anyang bigyan na rin ng maraming suplay ang mga lalawigan upang magkaroon na rin sila ng proteksyon.

Nagsabi rin si Senador Joel Villanueva na maging sa kanilang lalawigan sa Bulacan na napakalapit lamang sa Metro Manila ay kapos na kapos ang suplay ng bakuna.

Sa August 6 ay sasailalim na naman sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang Metro Manila na ang sabi ng iba para na naman tayong back to zero.

Hindi tayo kontra sa lockdown pero dapat ay gumawa ng paraan ang gobyerno na maging mabilis ang vaccination program kung nais nating paniwalaan na ang tanging susi sa COVID-19 ay ang bakuna.

Hindi ba’t mas makabubuti kung ita-tap na rin ng lokal na pamahalaan at mga barangay ang mga homeowners association o iba pang mga samahan at organisasyon sa bawat komunidad para naman mas mabilis ang pagbabakuna?

Ilan lamang ito sa maaaring gawing paaran para magtulungan sa pagbabakuna, pero mas makabubuting mag-isip pa ng iba pang pamamaraan para maibaba pa natin hanggang sa pinakamababang sektor ang programa para sa proteksyon ng mamamayan.