Default Thumbnail

‘Pro-Democracy’ na ayaw sa demokrasya

May 10, 2022 Paul M. Gutierrez 309 views

PaulNAGSIMULA na ang mga kilos-protesta laban sa resulta ng halalan kung saan hindi lang tinambakan, bagkus, “nilunod” ni BBM at Mayor Inday Sara ang kanilang mga kalaban.

Bagaman “partial and unofficial” pa, maliwanag pa sa sikat ng araw sa tanghaling tapat na imposible pang makahabol si VP Leni Robredo bilang presidente at si Sen. Kiko Pangilinan bilang bise-presidente. Aber, sa huling numero ng mga boto kung saan mayroon nang higit 30 milyon si BBM habang higit lang sa 14 milyon si Robredo higit 100 porsiyento ang diperensiya, aba’y sadyang matinding pandaraya na lang ang dapat gawin para lang mabaligtad ang resulta.

Ganito rin sa kaso ni Mayor Inday Sara at Pangilinan mga kabayan, kung saan higit 31 milyon na ang boto ni Mayor Inday kumpara sa higit siyam na milyon lang kay Sen. Kiko. Sa diperensiya na higit 300 porsiyento, eh, malinaw na kung sino sa kanila ang panalo, hindi ba mga kabayan?

‘Yun nga lang, sadyang magaling sa preparasyon ang mga Kakampinks at ng mga komunista ni CPP founder Jose Maria Sison.

Aber, gabi pa lang noong Lunes, ilang oras matapos magsara ang mga presinto at magsimulang lumabas ang mga paunang resulta, aba’y may panawagan na agad ang mga komunista ni Sison at mga nadenggoy nilang mga estudyanteng aktibista na magtungo sa kalsada ang mga tao at magprotesta dahil nagkaroon daw ng “dayaan,” ahahay!

Panawagan pa nga nila, dahil sa napipintong panalo nina BBM-Sara, dapat daw ‘mag-boycott’ sa pagpasok sa paaralan ang mga kabataan at mga estudyante, napakalaking kabulastugan, hehehe.

At ang nakakatawa o nakakapikon sa kanilang slogan at reklamo, “namatay,” “nasalaula” raw ang ating demokrasya dahil hindi nila nagustuhan ang resulta.

Hayz! Sadyang mga baluktot na lang ang takbo ng mga utak katulad nitong mga galamay ang mga operatiba ng CPP at ni Sison ang mga tao na may ganitong argumento.

Hindi ba eleksyon ang isa sa mga katangian ng isang masigla at “buhay” na demokrasya?

At dahil may eleksyon, kung saan may karapatan at kalayaan ang bawat isa na piliin ang gusto nilang manalong kandidato, may mananalo at may matatalo, tama ba, mga kabayan?

At ngayon na natalo si VP Leni na kandidato ninyo, manggugulo kayo?

Asan ang demokrasya dyan na ipinaglalaban ninyo, hane?

Sa totoo lang, mga “ogags” at sadyang sira na ang ulo ng mga taong ganito na sa tuwing hindi papabor sa kanila ang ano mang desisyon, dadaanin nila sa galit at panggugulo.

Pero teka, ang panawagan natin sa mga kapwa natin magulang, aba’y bantayan ang inyong mga anak, hane?

Baka kasi wala kayong kaalam-alam, nasa kalye na at isa sa mga demonstrador sa isang isyu na sa totoo lang ay hindi rin nila alam.

Eh, saan ba naman tayo nakakita ng mga ‘pro-democracy’ na ayaw sa demokrasya, aber?

AUTHOR PROFILE