Default Thumbnail

PRO-3 ginawarang best police sa buong bansa

August 8, 2021 People's Tonight 346 views

GINAWARAN ng pinakamahusay o Best Police Regional Office sa buong bansa ang Police Regional Office 3 (PRO-3) na pinamumunuan ni B/Gen. Valeriano De Leon sa ika-120 Police Service Anniversary ng Philippine National Police (PNP).

Ang PRO-3 na sumasakop sa pitong probinsya sa Central Luzon na kinabibilangan ng Aurora, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac at Zambales ang nanguna at nakakuha ng pinakamataas na puntos para sa pinakamagaling na police regional office sa buong Pilipinas.

“With your unyielding support, we dare to soar and aim at raising ourselves to keep on delivering excellent police services to the people of Central Luzon ignited on our desire to continuously carry out our mantra, “to serve is our passion, to protect is our action,” ayon kay Gen. De Leon.

Ibinida ng heneral na nakamit ng kanilang organisasyon ang tagumpay dahil sa kanilang pinakamalalaking operasyon laban sa ilegal na droga na pangunahing kampanya ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Kabilang diyan ang isa sa kanilang malaking operasyon kung saan mahigit P1.6 bilyong halaga ng shabu ang nakumpiska nila sa operasyon noong Oktubre 24, 2020. Noon namang Oktubre 29, 2020 mahigit P19 milyong halaga ng marijuana ang nakumpiska sa isang buy-bust sa Pampanga. Aabot din sa P6.8 milyon ang nakumpiskang droga sa Marilao, Bulacan noong Oktubre 30, 2020.

Nakakuha rin ang Central Luzon police ng mahigit P2 milyong halaga ng ilegal na droga sa magkakasunod na raid na isinagawa sa loob mismo ng mga kulungan.

Mahigit P20 milyon halaga rin ng marijuana ang nakumpiska sa isang operasyon sa Tarlac kamakailan na nagresulta sa pagkadakip ng anim na hinihinalang big-time drug pusher.

“Ilan lamang po ito sa matagumpay nating kampanya laban sa ilegal na droga. Marami pa pong iba at marami pang susunod,” pangako ni De Leon.

Bukod sa kampanya laban sa ilegal na droga, tuloy-tuloy din ang kampanya ng Central Luzon police laban sa mga tiwaling pulis sa kanilang hanay.

Pinaigting din nila ang kampanya laban sa mga rebeldeng New People’s Army (NPA) at iba pang terorismong grupo na nagresulta sa pagkaaresto ng 29 katao; pagsuko ng 804 rebelde habang aabot sa 96 armas ang narekober.

“Nais namin iparamdam sa mga tao, na narito kami ang kanilang tagapagtanggol at handang maglingkod anumang oras at panahon”, pahabol ni Gen. De Leon.

AUTHOR PROFILE