Magi

Primera klaseng edukasyon sa Bagong Pilipinas

February 1, 2025 Magi Gunigundo 140 views

“Ang pag-unlad ng isang bansa ay hindi hihigitsa tulin ng pag-unlad sa edukasyon. Ang pag-iisip ng tao ang pangunahing kayamanan ng isang bansa.” -John F. Kennedy

IPINAPAKITA ng kasaysayan na ang bansang may determinasyong bumuo ng primera klaseng sistema ng edukasyon ay makakamit ito kahit na ang bansa ay nasa masamang kalagayang pang-ekonomiya. Ang bansang hindi namumuhunan ng malaki sa tamang edukasyon ng kanyang mamamayan ay maaaring umunlad pa rin subalit ito ay dispalinghado at pinagpapasasaan ng kakaunting nakakariwasa samantalang ang napakaraming naghihikahos ay nananatili sa gilid ng lipunan. Ang panukat ng determinasyon ng bansa na makamit ang primera klaseng edukasyon ay nasa badyet na nilalaan ng pamahalaan para dito.

Ang lagom ng mga inilantad na bagay na nagpapahina ng pundasyon ng edukasyon ng bansa sa EdCom II Year 2 Report “ A Matter of National Survival’’(Enero 27,2025) ay ang mga sumusunod : una, hindi sapat ang badyet na ibinibigay sa sektor ng edukasyon; ikalawa, ang badyet ay ginamit sa mga interbensyon ng pamahalaan na baog sa pagpapalakas sa mababang paaralan na pangunahing pundasyon ng edukasyon.

Ayon sa Year 2 Report, ang badyet sa edukasyon ay 3.2% lamang ng GDP kumpara sa pamantayan na 4%hanggang 6% , at ang mababang paaralan ng edukasyon ang tumanggap ng pinakakaunting bahagi sa kabila ng kritikal na tungkulin nito sa pag-aaral ng mga batang Pilipino.

Ang isyu sa kulang na badyet para sa edukasyon ay hindi bago. Lumabas na ito sa EDCOM I Report (1991, 8th Congress) na sinabing masyadong maliit ang badyet para sa edukasyon – 1.3% lamang ng GDP, at kapiranggot lang ito kumpara sa badyet sa edukasyon ng ibang bansa sa ASEAN. Pagkaraan ng halos tatlong dekada, lumabas sa PISA 2018 Country Report na ang ginagastos ng pamahalaan para sa bawat estudyante sa Pilipinas ang pinakamababa sa lahat ng mga bansa at ekonomiyang lumahok sa PISA (Program for International Student Assessment ng Organization for Economic Cooperation and Development). Ito ay 90% namas mababa kaysa sa average ng OECD.

Ang ulat ng Year 2 ay katono ng laman ng EdCom II Year One Report( 2024) na pinamagatang “Miseducation: The Failed System of Philippine Education” na binuyangyang ang mga kahinaan ng sistema ng ating edukasyon na isang siglong tinatatwa ng mga lider ng edukasyon na nagkukunyapit sa baylinguwalismong pumapatay sa mga wikang Pilipino.

Tiyak na salungat sa mga ulat ng EDCOM II ang mga pilosopong baliw sa wikang Ingles na sentro ng sistemang edukasyon noon ika- 20 siglo na nakadisenyo sa pagpapalaki ng mga kabisote na magtratrabaho sa mga pabrika, taga-sagot ng telepono, gumamit ng makinilya at magsaliksik sa mga encyclopedia at almanac. Sinabi niJean Piaget na,”ang pangunahing layunin ng edukasyon sa mga paaralan ay ang paglikha ng mga kalalakihan at kababaihan na may kakayahang gumawa ng mga bagong bagay, hindi lamang ulitin kung ano ang ginawa ng naunang mga henerasyon.” Ang edukasyon ay hindi pagiging kabisote, bagkus ito ay pag-aaral paano matutong mag-isip sa pamamagitan ng kasanayan sa pag-uusisa at pagmamatwid para makabuo ng paniniwala o mabago ang kasalukuyang paniniwala (Deanna Kuhn, Education is for Thinking,2005)

Ang mga bata mula sa mas mayayamang pamilya ay maaaring makahanap ng maraming pintuan papunta sa isang matagumpay na buhay, ngunit ang mga bata mula sa mahihirap na pamilya ay kadalasang may isang pagkakataon lamang sa buhay — at iyon ay nakasalalay sa isang mahusay na guro at paaralan na nagbibigay sa kanila ng pagkakataong paunlarin ang kanilang potensyal. Ito ang dahilan bakit kailangan lakihan ang badyet para sa edukasyon at magamit ito sa mga epektibong interbensyon sa mababang paaralan.

Ang mga gumagawa ng patakaran ay kadalasang inuuna ang mahigpit na pangangailangan kaysa sa mahalagang pangangailangan — kahit na kabilang sa huli ang edukasyon (Andreas Schleicher, OECD). Sundin sana ng mga mambabatas ang Pangulong Marcos Jr. sa pagpapakita ng determinasyon na magkaroon ng primeraklaseng edukasyon ang Bagong Pilipinas.

AUTHOR PROFILE