Preso nabuking na may kaso pang robbery
NAHULOG sa kamay ng batas ang lalaki na nagtago ng mahigit isang dekada dahil sa kasong robbery with force upon things sa loob ng piitan noong Miyerkules sa Malabon City.
Sa custodial facility na ng Malabon Police Station isinilbi ng mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 2 at Warrant and Subpoena Section kay alyas Ariang Gregorio, 26.
Sa ulat ni P/SSg Romeo Morelos Jr. kay Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan, 16-anyos pa lang si Gregorio nang luminya sa mga ilegal na aktibidad, kabilang ang pagnanakaw, panghoholdap at iba pa hanggang masampahan ng kaso.
Pero nakapagtago ng matagal si Gregorio lalu na nang sumapit sa wastong edad hanggang masangkot na sa ilegal na droga na dahilan ng kanyang pagkakadakip.
Habang nasa custodial facility ng Malabon Police Station, doon natuklasan ng pulisya ang nakabimbing kasong puwersahang pagnanakaw laban sa kanya noong 2014.