Default Thumbnail

‘Presidential whisperer’

August 25, 2021 Allan L. Encarnacion 480 views

Allan EncarnacionSINO ba naman ang hindi nangangarap na magkaroon ng kaibigan na Presidente ng bansa?

Iyong Presidente na hindi magbabago ang inyong pagtitinginan kahit naluklok na siya sa puwesto.

Wala akong planong maging Presidential crony, ang gusto ko lang ay magkaroon ng pagkakataong sabihan ang Presidente kapag mali na ang kanyang ginagawa, kapag marami siyang napapabayaan sa kanyang pamamahala.

Bagama’t puwede kong sabihin na may maliit na bahagi ako sa Duterte Presidency, hindi naman kami magkaibigan. Sa mga unang buwan niya sa Palasyo, nakakalabas-pasok naman ako para magkape dahil sa mga ibang kaibigan.

Gusto ko sana talaga iyong kahit natutulog ang Presidente ay puwede kong gisingin para sabihin sa kanya, Pare bangon na, bumabagyo sa labas, tara mag-ikot tayo!”

Iyon tipong kahit wala siya sa kondisyon na kausapin ang kahit sino, puwede akong lumapit sa kanya para ipaalala ang obligasyon niya sa bayan.

Ang malaking problema ko sa mga nasa werpa na kaibigan ko, hindi ko sila makunsinti. Hindi ko magawa ang ginagawa ng iba na kahit mali na si Boss, tama pa rin ang tingin nila. At pinapalakpakan pa.

Sa tingin ko ito ang problema ng mga nagiging Pangulo dito sa atin, hindi nagkakaroon ng taong kaya siyang sabihan sa mga mali niyang desisyon. May mga karanasan akong nasabihan ng mali ang nasa posisyon pero ganoon pala iyon, “mao-ostracize” ka o mahihiwalay ka sa sirkulo.

May mga lider kasi na sensitibong masabihan ng mas mababa sa kanya. Hindi nila kayang tanggapin na itatama sila ng isang taong walang mandato, hindi binoto at lalong pinapasahod niya lang.

Kaya nga ang ending, ikaw na mismong na kayang magbulong sa Pangulo ang magsisimula nang lumayo. Lalo na’t hindi ka naman alipin at gutom na hindi kakain kapag nawala ka sa tabi niya.

Sa totoo lang, sa kaso ni Presidente Duterte, sa tingin ko may mga tao na hindi rin kayang magsabi ng totoo sa kanya kaya may mga desisyon siya na hindi tama. Wala naman talagang perpektong lider na darating sa buhay natin. Ang importante lamang naman sa mga nagiging lider ay marunong magkinig sa tama.

Hindi ko alam kung sino ang susunod na Presidente sa 2022 kaya para tayong nagra-Russian roulette sa paghihintay. May mga naka-lineup naman na kahit paano’y may koneksiyon tayo kaya patuloy tayong nanalangin na gabayan tayong lahat sa ating pagpili.

Masaya na ako kung may isang layer akong madadaanan para ipasabi sa magiging Presidente ang totoong sitwasyon ng bansa. Hindi tayo perpektong taga-bulong subalit puwede nating itaya ang pagmamalasakit sa bansa bilang unang hakbang para makabulong nang tama.

[email protected]