
Prangkisa ng NGCP
ANG isang karakter ni President Bongbong Marcos magmula noong siya nag-uumpisa sa pulitika hanggang maging lider ng bansa ay hindi marunong magsalita ng masama sa kapwa.
Nang unang bumalik ang binatang si BBM sa bansa matapos ang Hawaii exile, naroon tayo sa bahay ng yumaong si Ambassador Danding Cojuangco sa New Manila. Nagkaroon ng press conference si Bongbong. Sa kabila ng ginawa sa kanilang pamilya, wala tayong narinig sa kanya na masamang salita kahit anong leading questions ang ibato ng mga media sa kanya noong gabing iyon.
Ito iyong klase ng lider masarap pakinggan kapag ang nag-interview ay ang mga biased media at mga kargadong emisaryo ng kung sinu-sino.
Noong kainitan ng kampanya, may nagsubo ng tanong kay candidate Bongbong: ‘Hindi po pinayagan na mag-rally ang inyong partido sa Quezon City Circle, ano po ang masasabi n’yo rito?”
Kung ibang pulitiko iyon, mag-iinit na ang ulo, magsasalita na ng masama laban sa local government. Simple lang ang sagot niya: “Hindi naman siguro, tingnan muna natin kung bakit.” Sagot ni BBM sa dismayadong nagtanong na halatang away ang hanap.
Iyon pala, hindi naman totoong hindi pinayagan ng QC government dahil may mga prior schedules na bago pa ang kampanyahan. Nakita naman na lahat ng partido ay nakapag-rally sa QC Circle noong campaign period.
Kailan lang, natanong na naman si President Marcos kung sa tingin niya ay dapat na bang bawiin ng gobyerno ang kontrata ng National Grid Corporation of the Philippines o NGCP dahil sa panawagan ng ilang pulitiko matapos ang isyu ng kakapusan ng kuryente sa ibang lugar.
Marunong at maingat talaga sumagot si Presidente: There has to be a good reason to withdraw NGCP franchise as the country’s core grid system operator.”
“Ang tinitingnan ko, ang naririnig ko sa mga news item ay tungkol sa security problem. Ako naman, that’s part of the discussion pero ang tinitingnan ko rin talaga ay ang performance, kung sumusunod sila sa kontrata doon between the government and the grid corporation.”
Ang sabi pa ng Presidente, hindi ganoon kadaling magpalit ng mga tao sa ganyang klase ng korporasyon na ang nakataya ay episyenteng supply ng kuryente sa bansa.
Ganoon ang mga sagot ng mga lider na kayang pamunuan ang kanyang bansa. Hindi sumasakay lang basta sa mga isyu na alam naman nating may nagsisindi lang. Hindi madaling mapalundag ng kahit sino at kahit anong sitwasyon.
In fairness sa NGCP, magmula nang hawakan nila ang kontrata noong 2009, wala naman tayong nakitang major problem sa supply ng ating kuryente sa Luzon, Visayas at Mindanao. Iyong mga brownout naman ay isolated cases lang at hindi massive para sabihing grabe ang problema.
Kung ikukumpara sa paghawak noon ng National Power Corporation o Napocor na naging public enemy number one dahil sa matindihang brownout sa Metro Manila at maraming parte ng bansa, lalo na noong mga dekada 90.
Tama po kayo, 1990s, ito iyong panahon na ang power supply natin ay karaniwan na ang apat na oras dahil 20 hours walang kuryente! Dito rin nauso ang pagbebenta ng generators ng mga kompanyang nagmamaniobra sa ating power supply ng bansa.
Kaya noong mga dekada 90 hanggang early 2000, ang marketing strategy ng mga restraurant, hotels at motels ay “no brownout” dahil nga sangkatutak na genset ang binili nila. Binaha ba naman ng generators ang ating merkado dahil sa malawakang blackout.
Hindi na natin gustong maulit ang mga ganitong tagpo kaya nga malaking pasalamat ng mga mamamayan sa episyenteng serbisyo ng NGCP na biktima naman ngayon ng pamumulitika at business maneuvering ng ilang interest group.
Tama ang tanong ni President BMM, kung aalisin natin sa NGCP ang prangkisa, sino ang magpapatakbo at paano iyong transition gap?
Mukhang economic sabotage ang agenda ng ibang tao!