
Posible pa ba ang zero scalawag sa PNP?
WALA namang PNP leadership ang kukunsinti sa anumang kalokohan na ginagawa ng mga tiwaling pulis.
Lahat ng nagiging hepe ng pambansang pulisya ay gustong magkaroon ng mga matitinong kawal dahil liderato niya ang nakataya.
Ang insidente ng mga pulis na sangkot sa illegal raid at sinasabing pagkuha ng P75 million sa bahay ng isang Chinese businessman sa Las Pinas ay isa namang dahilan para matakot ang ating mga kababayan sa mga nakauniporme.
Bagama’t inaksiyunan na ng PNP leadership ang kasong ito sa pamamagitan ng pagsibak at pagsasampa ng kaso sa mga sangkot, nag-iiwan ito ng takot sa marami nating kababayan.
Ang pansamantalang pagtanggal sa kanila sa posisyon ay hindi nangangahulugang guilty na sila dahil bahagi lamang ito ng imbestigasyon. Sinasabing ang kasong ito ay nag-ugat sa pagsisilbi ng warrant of arrest sa negosyante na hindi naman pala siya ang tunay na pakay ng warrant.
Kailangang malinaw sa mga pulis na magkaiba ang search warrant at warrant of arrest. Kung totoong nakuha ang mga pera, paano silang nakapasok sa loob ng bahay? Ang arrest warrant ay para sa tao samantalang ang search warrant ay para sa bagay.
Karaniwan, hindi nakakapasok ang mga pulis sa loob ng bahay kapag warrant of arrest lang dala.
Nakakalungkot ang balitang ito dahil ang nasasangkot ay mga taong lisensiyadong magdala ng armas at unipormado. Ang buhay na doktrina para sa mga pulis ay “to serve and protect” subalit hindi ganito ang nangyari.
Kahit may mga ganitong insidente, naniniwala pa rin tayo na mas marami pa rin ang matinong pulis na masasandigan ng ating mga kababayan sa lahat ng panahon.
Kung halimbawang 200,000 ang miyembro ng PNP, kahit isa o dalawang porsiyento lang ang maging kriminal dito ay magiging banta sa pananahimik nating lahat. Isipin nyong mabuti, may lisensiya silang pumatay, legal silang nakapagdadala ng armas kaya isa man o sampu lang sa mga miyembro ng PNP ang maging utak-kriminal, delikado sila sa ating komunidad.
Hindi ko alam kung kailan darating ang panahong magiging zero scalawag ang PNP. Lahat naman ng administrasyon ay may mga sariling programa para maayos ang reputasyon ng ating mga pulis subalit palaging lumulutang ang ganitong mga problema.
Kung hindi man sa recruitment ang ugat ng problema, malamang ay sa pagkatao na ito.
Masamang balita ito para sa mga mamamayang mataas pa ang kompiyansa sa ating mga awtoridad.
Umaasa tayong darating pa rin ang panahong mamahalin at pagtitiwalaan ng ating mga kababayan ang mga pulis sa kabila ng mga ganitong nakakagimbal na insidente.