Pop tv

PopTV Kids, libreng mapapanood sa all-Pinoy streaming app

November 21, 2021 Ian F. Fariñas 244 views

Mas lalawak pa ang mga pagpipiliang programa na maaaring mapanood sa all-Pinoy streaming app na POPTV sa nalalapit na paglulunsad ng pinakabago nitong handog, ang POPTV Kids.

Ang POPTV Kids ang kauna-unahang all-kids programming sa mobile streaming para sa Pinoy bulilits na may edad tatlo hanggang 10. Mapapanood ito simula ngayong Linggo, Nov. 21.

“Kami ang unang SVOD platform sa bansa na nag-offer ng isang all kids programming lalo na sa panahon ngayon na madalang na tayo makakita ng kids content sa telebisyon. Dito, mae-enjoy ng mga bata ang iba’t ibang pre-school at kids shows nang libre kahit walang subscription. Bukod pa riyan, lahat ng palabas dito ay naka-dub sa Filipino kaya naman mas maiintindihan at mas makaka-relate talaga sila sa kwento,” sabi ni Jackeline Chua, COO ng POPTV.

Babandera sa listahan ng kids shows sa POPTV Kids ang Filipino-dubbed version ng International Emmy Kids Awards-nominated pre-school show na Tish Tash, na mapapanood sa Pilipinas sa kauna-unahang pagkakataon.

Mapapanood din ang George of the Jungle, The Journey of Long, Ella Bella Bingo, Tilda Appleseed at The Kids from Seagull Street, na pawang co-produced ni Chua kasama ang CEO ng POPTV na si Jyotirmoy Saha sa pamamagitan ng kanilang respektibong animation companies na Synergy88 Entertainment Media at August Media Holdings.

Sa isang pindot lang ng button ay mapapasok ng inyong mga chikiting ang mundo ng POPTV Kids gamit ang POPTV app. Dahil sa child-lock feature nito, hindi kailangang mag-alala ng mga magulang na mapanood ng mga bata ang mga programang hindi angkop sa kanila dahil kinakailangan nila ng password bago muling makita ang mga programang para sa adult viewers.

Isa pang pasabog na inihahanda ng POPTV, ang POPTV Trip. Ito ang kauna-unahang in-transit streaming service sa bansa na tiyak mae-enjoy naman ng mga pasahero sasakay sa espesyal na POPTV buses.

“Mahalaga ang data para sa overall experience ng anumang streaming service lalo na dito sa Pilipinas. Kaya naman, gumawa ng paraan ang POPTV na mapadali ang panonood habang sila ay lulan ng aming partner bus companies. Simula pa lang ang POPTV Trip sa marami pang paraang ineexplore namin nang sa gayon ay mas maging accessible sa lahat ang aming app,” sabi ni Saha.

Simula nang maging available ang POPTV sa Pilipinas noong September 2020, ang subscription-based video-on-demand platform ay nakakuha na ng mahigit 1.5 milyong users nationwide sa kabila ng limitasyon at mga hamong dulot ng pandemya.

Ka-partner na rin ng POPTV ang ilan sa pinakamalalaking producers at distributors sa loob at labas ng bansa tulad ng ABS-CBN, Regal Films at TBA Studios; SBS, CJE&M, at JTBC ng South Korea, Medialink ng Hong Kong at GMMTV at LINE TV ng Thailand sa patuloy nitong paghahatid ng “da best” local entertainment at ‘DUBest’ international hits.

Ilan sa mga titulong dapat abangan ay ang KDrama na LUCA starring Kim Rae Won, animes na Jujutsu Kaisen at Citrus at BL series na I Promised You The Moon, Together With Me and Our Skyy.

Dahil parehong IP creators, inanunsyo din nina Saha at Chua ang nalalapit din na pagpo-produce ng POPTV ng sarili niyong shows sa susunod na taon.

Malapit na ring mapanood ang POPTV sa mga Android o Smart TVs.

Para i-download ang app, hanapin lang ang POPTV PINAS sa Google Play, Huawei App Gallery at Apple App Store.

AUTHOR PROFILE