Pondo para sa mga ayuda suportado ni Tiangco
SUPORTADO ni Navotas Rep. Toby Tiangco ang paglalaan ng pondo sa iba’t ibang ayuda na nakasaad sa panukalang 2025 budget.
Ayon kay Tiangco, vice chair ng House committee on appropriations, ang pagpapasa sa inilaang P253.3 bilyong pondo para sa mga nangangailangan ay napakahalaga upang matiyak na hindi maaantala ang mga plano ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na palawakin ang mga tulong na maaaring matanggap mula sa pamahalaan.
Binanggit aniya ng Pangulong Marcos sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ang pagpapalawak ng programang Cancer Assistance ng Department of Health (DOH) at ang panukalang paglalaan dito ng P1.20 bilyon ay magandang inisyatiba na makatutulong sa pasanin ng mga dumaranas ng naturang sakit.
Maging ang paglalaan ng P114.1 bilyong piso ng Department of Budget and Management (DBM) na katumbas ng 7.4 porsiyentong karagdagang pondo para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ay pinuri rin ni Tiango, na isa aniyang daan sa patuloy na pagsisikap ni Pangulong Marcos na mapalawak ang benepisyo at tulong na natatanggap ng mga kababayang nangangailangan.
Itinataguyod din ni Tiangco ang karagdagang pondo sa iba pang programang may kaugnayan sa pagkakaloob ng tulong, tulad ng fuel subsidy ng Department of Agriculture (DA) sa mga magsasaka at mangingisda.
Inanunsiyo na rin ng DBM ang panukalang P35.1 bilyon at P4.4 bilyong pondo para sa Protective Services for Individuals and Families in Difficult Circumstances Program at Sustainable Livelihood Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Buo rin ang suporta ni Tiangco sa inilunsad na Food Stamps Program na pinaglaanan ng P1.9 bilyon at ang P14.1 bilyon namang ipinanukalang pondo para sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) ng Department of Labor and Employment (DOLE).