Magi

Political Justice

November 30, 2024 Magi Gunigundo 94 views

ANG Korte Suprema at mga husgado ang mayroong monopolya sa kapangyarihan panghukuman bagamat may dalawang eksepsiyon dito: una, kapangyarihan magresolba ng usapin sa halalan ng Comelec at mga Electoral Tribunals ( protesta ng halalan sa pagka- Kinatawan, Senador, at Presidente o Bise-Presidente ng Pilipinas); at pangalawa, kapangyarihan ng impeachment ng Kongreso, na tinawag ng mga Pranses na katarungang pulitikal o “political justice.”

Gaya ng ipinahayag ni Justice Malcolm sa Cornejo v Gabriel(1920), isang gobyerno ng mga katiwala ang pangunahing ideya ng pamahalaan ng Pilipinas- ang mga opisyales nito ay hindi mga hari bagkus ay mga ahente lamang ng taong bayan na pinagmumulan ng kapangyarihan. Walang sinumang tao o dinastiyang politikal ang may pag-aari o permanenteng kontrata na sinisibulan ng eksklusibong karapatan sa puwesto sa pamahalaan. Ang bawat opisyal ay tumatanggap ng kapangyarihan at tungkulin alinsunod sa mga probisyon ng Konstitusyon at batas ,at hawak niya ang puwesto bilang isang katiwala ng taong bayan.

Sa kanyang pagtupad sa tungkulin, ang mga katiwala ng taong bayan ay binabalikat ang pananagutan na hindi magpabaya sa pangangalaga ng kapakanan ng taong bayan sa paraan na may pinakamataas na uri ng pakundangan, dangal, katapatan, kahusayan, pagkamabayan at pagka-makatarungan. Ang mamuhay ng katamtaman ay walang espasyo para sa “wang-wang mentality”, at kung pinagpala ng kayamanan ang isang opisyales bago pa man siya nagsilbi sa pamahalaan , hindi niya ito dapat ipagmalaki at ilantad sa paraang kapansin-pansin sa publiko.

Nang ang mga Amerikano ay bumalangkas ng konstitusyon, wala silang intensyon na magtayo ng isang hari ng monarkiya na mamumuno habang buhay at pinamamana ang kapangyarihan , ngunit nais nilang bigyan ang Presidente ng seguridad sa panunungkulan. Gayunpaman, batid din ng mga pundador ng Estados Unidos na likas sa tao ang pagiging marupok kaya’t maaaring kailanganin na alisin sa pagkapangulo ang isa na natagpuang hindi karapat-dapat sa katungkulan. Batid din nila na ang sinumang pangulo ay magkakaroon ng hindi mabilang na mga kaaway na matutuwang patalsikin siya kung may pagkakataon. Dahil dito ginawang ligtas ang pangulo sa asunto habang nanunungkulan subalit maaalis siya sa puwesto sa impeachment kapag matindi ang mga kaso kapag ang nalalabing paraan ng pagprotekta sa publiko ay sa pamamagitan ng pagtanggal sa kanya. Ang sistema ng impeachment ng mga Amerikano ay nakalagay sa konstitusyon ng Pilipinas. ( Bernas, J., A commentary on the 1987 Constitution, 2009)

Pagkatandaan na ang layunin ng impeachment ay para lamang alisin ang opisyal sa pwesto. Hindi siya ikukulong at kukumpiskahin ang ari-arian. Gaya ng sinabi ni Justice Storey, ang impeachment ay isang paglilitis na taal at ganap na pulitikal. Idinisenyo ito upang mailigtas ang estado laban sa garapal na masamang asal ng opisyales na tinatanggalan ng kanyang kapasidad sa pulitika kung mapatunayan nagkasala ng Impeachment Court na binubuo ng mga Senador at mga taga-usig mula sa mga miyembro ng Malaking Kapulungan. Pagkaraan maialis sa puwesto, maaaring sampahan ang dating opisyal ng kasong kriminal at sibil, at hindi ito labag sa double jeopardy.

​Ayon sa Seksyon 2, Artikulo XI ng Konstitusyon, ang Pangulo, ang Pangalawang-Pangulo, ang mga Mahistrado ng Kataastaasang Hukuman, ang mga Kagawad ng mga Komisyong Konstitusyonal, at ang Ombudsman ay maaaring ma-impeach dahil sa kanyang paglabag sa konstitusyon, pagtataksil sa bayan, pagpapasuhol, pangunguwalta at korapsyon, iba pang mabibigat na krimen, o pagkakanulo sa pagtitiwala ng bayan.

Malawak ang sakop ng pagkakanulo sa pagtitiwala ng publiko- hindi mapapatawad na kapabayaan sa tungkulin, pagmamalabis sa kapangyarihan, malfeasance o misfeasance, cronyism, favoritism atbp. Ang ginawang pagtataksil sa tiwala ng bayan ay garapal at lumalatay sa puso ng taong bayan. Samantala, ang kabastusan at pagmumura, kahalayan, nakagawiang paglalasing habang gumaganap sa tungkulin ay hindi saklaw nito.

Political justice ang impeachment para managot ang pasaway na “impeachable” opisyal sa pagdurog ng mga pusong nagtiwala sa kanya. Kung hindi paiiralin ang pagtitimpi at ang tagubilin ng Pangulong Marcos Jr. sa mga mambabatas , papalapit na sa impeachment ang kontrobersiya ng confidential funds ng Bise-Presidente.

Write to Lacorte Jla

AUTHOR PROFILE