Policewoman nagbigti sa CR

February 3, 2022 Melnie Ragasa-limena 271 views

NATAGPUANG wala ng buhay ang isang 29-anyos na policewoman sa loob ng ladies comfort room sa Maritime Group Headquarters, Camp Crame, Quezon City nitong Miyerkules ng hapon.

Ang biktima na may ranggong Patrolwoman ay tubong Davao City.

Sa sketchy report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 12:30 ng hapon, Pebrero 2 nang madiskubre ang nakabigting katawan ng policewoman sa loob ng nasabing headquarters ng Maritime sa Camp Crame Quezon City.

Batay sa imbestigasyon ni PCpl. Christian Loyola ng CIDU-QCPD, napansin umano nina Police Corporals Arnold Alos at Janice Morales na halos kalahating oras nang naka-lock ang Ladies Comfort Room ng Maritime.

Dahil dito ay nagpasya nang sumilip sa exhaust ng pintuan sina Alos at Morales at doon ay nakita nilang nakabigti ang biktima sa metal shower head gamit ang orange nylon rope.

Agad na puwersahang sinira ng nakasaksing mga pulis ang seradura ng pinto at mabilis na kinalas sa pagkakabigti ang policewoman saka isinugod sa Philippine National Police (PNP) General Hospital subalit binawian din ito ng buhay bandang 1:31 ng hapon, ayon sa attending physician na si PLt. Col. Clarisa Modes.

Masusi pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad kung ano ang sanhi ng ginawang pagpapatiwakal ng policewoman.