Pokwang

Pokwang nasimot ang pera sa digital wallet

November 9, 2024 Vinia Vivar 205 views

Windang na windang si Pokwang dahil paggising niya isang umaga ay nasimot na ang pera niya sa kanyang digital wallet.

Ibinahagi ng komedyana ang masaklap na karanasan sa kanyang Instagram account kahapon.

“Naghahanap buhay po ako ng marangal nagbibigay po ako ng hanap buhay sa mga single mom, tapos isang umaga pagka gising mo simot ang laman ng GCASH accnt???” simula ni Pokwang.

Kalakip ng kanyang post ang screenshot ng mga transaction na ginawa sa kanyang GCash account na aniya ay hindi siya ang nagpadala.

Makikita rito ang iba’t ibang numero na pinadalhan niya umano ng P2,000 each.

“Ibat ibang number na hindi naka rehistro halos nasa 30 numero na hindi naka rehistro!!! ano nangyare sa registered sim policy ngayon?” saad pa ni Pokwang.

Lungkot na lungkot ang komedyana dahil pinaghirapan niya nga naman ang perang ‘yun mula sa kanyang pagnenegosyo.

“Nakakaiyak binangon ko mag isa ang negosyong pinabayaan ng taong inasahan ko, pinag katiwalaan ko pati ba naman dito naisahan parin ako? nakakaiyak talaga sana naman @gcashofficial tulungan nyo mga kagaya kong naghahanap buhay ng patas at nagbibigay ng hanap buhay din,” aniya.

AUTHOR PROFILE