
POKWANG, KUMASA KAY NERI
Kumasa si Pokwang sa viral na P1,000 meal plan ni Neri Miranda at ibinahagi niya sa Instagram ang mga napamili niya sa nasabing halaga.
Matatandaang nag-post si Neri ng P1,000-meal plan budget in a week para maging guide ng ibang kababayan natin na gustong magtipid o ‘yung walang masyadong budget.
Makikita sa post ni Pokie na marami-rami rin siyang nabili sa halagang P1,000. Karamihan dito’y gulay at walang karne.
Ayon kay Pokwang, hindi siya sigurado kung hanggang ilang araw tatagal ng mga pinamili niya.
“So ito ‘yung P1,000 challenge na pang-ulam. Hindi ko lang alam kung ilang araw tatagal ‘to,” sey niya sa video.
“Pero ito po ‘yung mga nabili ko sa P1,000: Apat na sardinas na maliliit, kalahating kilong galunggong, kamatis at sibuyas na tig-one-fourth, dalawang tali ng kangkong, dalawang tali ng talbos ng kamote, dalawang taling ampalaya at sayote dalawa na po itong piraso, and itlog anim na piraso at limang kilong bigas,” saad niya habang inisa-isa ang mga nabili.
Patuloy niya, “So ‘yan po ang nabili kong lahat, titingnan natin kung ilang araw po aabot ‘to. Try natin!”
Sey pa niya sa caption, plano niyang lutuin sa mga binili ang ilan sa mga paborito niyang ulam.
“Mga ulam na kinalakihan ko at till now paborito kong ulam (face savoring food emojis) tingnan natin ilang ulam ang mabibili ko sa 1K peso challenge (folded hands emoji),” wika niya.
Kasunod nito may pa-teaser pa ang komedyana sa upcoming YouTube vlog niya dahil ibabahagi raw niya ang kanyang mga niluto.
“Abangan ‘yan sa aming vlog sa Mamang & Malia youtube Channel (red heart emoji) SOON….,” ang saad ni Pokie.
Sa comment section na may nagtanong kung nagkasya ba ng isang linggo ang P1k meal plan.
Sagot ng komedyana, “Napagkasya ko ng two days binase ko ng lima sa pamilya.”
Matatandaang na-bash nga nang husto ang ginawang P1,000 weekly meal plan ni Neri at karamihan sa netizens ay sinabing hindi ito makatotohanan.
Pero nagpaliwanag ang misis ni Chito Miranda at aniya, “sample” lang ang kanyang ibinigay upang magkaroon ng ideya kung paano makakatipid sa pagkain.
Kaya nga raw umabot ng P1,000 ang budget ay dahil may alaga siyang manok kaya libre lang niya nakukuha ang mga itlog. Mahilig din siyang magtanim kaya hindi na niya kailangang bumili ng mga gulay at prutas.
Humingi naman ng sorry si Neri dahil marami ang nabigla sa kanyang “sample” at binura na niya ang kanyang post.
Nangako rin siya na maglalagay ng mas detalyadong meal plan kung saan makikita na ang presyo ng bawat ingredient.