PNP tinitiyak ang ‘human rights’ sa pagpapatupad ng batas

December 5, 2022 Zaida I. Delos Reyes 125 views

TINIYAK ng Philippine National Police (PNP) na nanatiling protektado ng kanilang hanay ang karapatang pantao o “human rights” sa pagpapatupad nila ng batas upang makamit ang kapayapaan at kaayusan sa bansa.

Ang pagtiyak ay ginawa ni PNP Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. nitong Lunes bilang pakikiisa sa paggunita ng National Human Rights Consciousness Week (NHRCW).

Aniya ang paggunita ng NHRCW ay kasabay din ng ika-74 taong anibersaryo ng Universal Declaration of Human Rights (UDHR) na may temang, “Pagtaguyod at pagsulong ng mga Karapatang Pantao tungo sa Matatag na Pundasyon ng Kapayapaan, Katarungan, Kalikasan, Kaunlaran, At Bayanihan.”

Ayon sa PNP chief, maaaring ipagmalaki ng gobyerno ang pagiging “progresibo” ng PNP sa human rights advocacy kung saan lahat ay ginagawa upang matiyak na nabibigyan ng proteksyon ang karapatang pantao at napaparusahan ang lumalabag dito.

“By law and by demands of faith and morality, we in law enforcement are called upon to uphold civil, political, economic and socio-cultural rights. We do so, not only because the law demands it; we must uphold human rights simply because it is the right thing to do,” paliwanag ni Azurin.

Kabilang sa highlights ng selebrasyon ang pagbigkas ng “Panunumpa Ng Kawani Ng Pamahalaan Bilang Tagapagtanggol Ng Karapatang Panato” na pinangunahan ni Brig. Gen. Vincent Calanoga, hepe ng PNP Human Rights Affairs Office.

Kasabay nito kinilala din ni Azurin ang anim na tauhan ng PNP na nagbahagi ng kanilang kaalaman, oras, kahusayan at resources bilang suporta sa PNP human rights development program.

Pinaalalahanan din niya ang mga uniformed personnel na bilang mga opisyal ay mayroon silang pangako na irerespeto, protektahan at ipapatupad ang karapatang pantao sa pagpapanatili ng kaayusan, kapayapaan at kaligtasan ng bawat isa sa bansa.

“Indeed, human rights is the first business of policing. As I have always emphasized, this is not just a sacred and cherished tradition but a way of life in the PNP. Thus, we, in the PNP, including the military and the government as a whole, are the true defenders of human rights,” pahayag pa ni Azurin.