
PNP sinimulan pagdiriwang 2024 Nat’l Women’s Month
OPISYAL nang sinimulan ng Philippine National Police (PNP) ang 2025 National Women’s Month Celebration nitong Lunes sa pamamagitan ng isang seremonya sa PNP Multi-Purpose Center kung saan binigyang-diin ang pangako ng organisasyon sa gender equality, inklusibidad, at empowerment ng kababaihan.
Naging panauhing pandangal at tagapagsalita sa nasabing pagtitipon si Attorney Beatrice Aurora A. Vega-Cancio, commissioner ng National Police Commission.
Binigyan ng kahalagahan ni Vega-Cancio ang papel ng kababaihan sa pamamahala, pagpapatupad ng batas, at pagpapaunlad ng bansa sa kanyang maikling talumpati
Ayon sa kanya, alinsunod sa temang “WE for Gender Equality and Inclusive Society – Babae sa Lahat ng Sektor, Aangat ang Bukas sa Bagong Pilipinas,” kailangang magsama-sama ang lahat upang tiyakin na aktibong nakikilahok ang mga kababaihan sa paghubog ng kinabukasan ng bansa.
“Habang ipinagdiriwang natin ang Buwan ng Kababaihan, kinikilala natin hindi lamang ang kahalagahan ng pagiging babae kundi pati na rin ang sama-samang tagumpay ng mga kababaihan sa pagbuo ng mas maunlad na komunidad. Ang mga repormang naisakatuparan sa loob ng PNP ay hindi lamang para sa organisasyon kundi para rin sa mga kababaihang ating pinaglilingkuran at pinoprotektahan,” aniya.
Sa kanyang pahayag sa event na binasa ni PNP Director for Police-Community Relations, Major General Roderick Augustus B. Alba, sinabi ni PNP chief, General Rommel Francisco D. Marbil na ang kapulisan ay naninindigan para sa gender inclusivity—hindi lang ito isang polisiya kundi isang paniniwala.
“Ang ating mga babaeng pulis ay hindi lang pantay na katuwang kundi mga mahalagang lider sa pagpapatupad ng batas, binabasag ang mga hadlang at muling binibigyang-kahulugan ang pamumuno,” sabi ng opisyal.
Ipinahayag din niya ang malaking papel ng kababaihan sa law enforcement at ang mga inisyatiba ng PNP upang suportahan ang kanilang kapwa mga pulis na babae sa epektibong pagtupad ng kanilang tungkulin.
“Nawa’y magsilbing paalala ang selebrasyong ito na ang inyong serbisyo, sakripisyo, at pamumuno ay napakahalaga. Hindi lang kayo bahagi ng kasaysayan ng ating bansa—kayo ang puso nito.
Ang bawat babaeng Pilipina ay may mahalagang papel sa pag-angat ng ating bayan tungo sa Bagong Pilipinas,” sinabi ng PNP chief..
Binigyan din ng parangal ang natatanging tanggapan, unit, at indibidwal sa PNP na may mahalagang ambag sa mga gender-responsive initiatives.
Kabilang sa mga ginawaran ng Plaque of Merit para sa kanilang mahuhusay na programa at proyekto patungkol sa gender inclusivity ay ang Police Regional Offices 1, 2, 4A, 6, at 11.
Tinanggap ng kani-kanilang Regional Directors ang parangal bilang pagkilala sa kanilang pamumuno sa pagtataguyod ng inklusibidad at gender equality sa kanilang mga rehiyon.
Samantala, pinarangalan din ang Five Women of Leadership Achievement Awardees na sina: PBGEN Jezebel Medina, PBGEN Portia B. Manalad, PBGEN Maria Leonora C. Camarao, PBGEN Jean S. Fajardo, Cdt. 1C Justine Jade A. Calpahi. Iginawad sa kanila ang parangal bilang pagkilala sa kanilang kahanga-hangang pamumuno at paglilingkod sa bayan.
Bilang pagpapatibay sa adbokasiya ng PNP para sa gender inclusivity, kinilala rin ang iba’t ibang Gender and Development (GAD) advocates at stakeholders na may malaking kontribusyon sa pagsusulong ng pagkakapantay-pantay ng kasarian.
Kabilang sa mga ginawaran ng pagkilala ay ang: British Embassy Manila na tinanggap ni Detective Chief Inspector Simon Jones, Counter-Terrorism Police Liaison Officer; GAD Technical Working Group ng Napolcom na tinanggap ni Director Donna Lynn A. Caparas;
Ang Crime Prevention and Coordination Service / chairperson ng PNP Officers Ladies Club Foundation, Inc. sa pamumuno ni Mrs. Mary Rose P. Marbil, maybahay ni Gen. Marbil; ang Republic Defenders na pinamumuan ni former Ambassador Vidal E. Querol at ang Soroptimist International of the Americas Philippine Region sa pamumuno ni Governor Marivic Ds. Paras.
Isa pang mahalagang bahagi ng selebrasyon ay ang pagtatatag ng PNP Women’s Support Network (PNP WSN)—ang kauna-unahang all-women na grupo sa hanay ng mga law enforcement agencies sa bansa. Layunin nitong palakasin ang papel ng kababaihan sa gender-responsive policing, human rights advocacy, at nation-building.