PNP may kinakatigan na mga politico

May 1, 2022 Erwin Tulfo 500 views

TulfoDAPAT “apolitical” or “neutral” ang Philippine National Police (PNP) tulad ng Armed Forces of the Philippines (AFP) tuwing halalan.

Pero ilang reports na ang aking nababasa o sumbong na naririnig ngayon na may mga pinapaboran o kinakatigan daw na mga politico ang ilan sa mga opisyal ng PNP lalo na sa mga lalawigan.

Isang halimbawa na lamang ay itong isang bayan dyan sa Bulacan na hindi umano pinayagan ng hepe ng PNP doon ang isang mayoral candidate na magsagawa ng campaign rally malapit sa munisipyo dahil hindi sya kaalyado ng isang kilalang sekta sa nasabing lugar.

Halos ganun din ang nangyari sa Iloilo kung saan isang mayoral candidate din na kalaban ng nakaupong gobernador doon ang hindi rin pinayagan mag-rally.

Ipinarating na sa pamunuan ng pnp sa Kampo Krame ang parehong insidente pero wala pang sagot ang pulisya.

Pero ang pinakamatindi ay itong nangyari sa bayan ng Pilar sa Abra kung saan napatay ang isang bodyguard ni Vice Mayor Jaja Disono.

Sinampahan na ng kasong murder ng National Bureau of Investigation (NBI) ang ilang miyembro ng PNP kabilang na ang Cordillera Autonomous regional director, Abra provincial director, Pilar chief of police at marami pang iba.

Nangyari ang insidente noong nakaraang buwan sa Pilar, Abra kung saan sabi ng PNP ay hindi raw huminto sa checkpoint ang convoy ng vice mayor, bagkus ay pinaputukan pa daw sila umano ng convoy ni Disono at tinamaan nga ang isa nilang mobil.

Pero sa imbestigasyon ng NBI pawang kasinungalingan daw ang sinasabi ng PNP.

Sa mga cctv footages na nakuha ng NBI sa lugar ang PNP ang nagpaputok sa convoy ng vice mayor.

Walang checkpoint at hindi binaril ang mobil ng pulis ng convoy ni vice mayor.

At dahil sa pangyayaring ito, maraming mga local politicians na walang koneksyon sa PNP ang kinakabahan na baka sila na ang susunod na target ng pulisya.

At ang nakapagtataka pa raw, sa halip na solusyunan agad ang problemang ito, naka-focus daw ang PNP sa pagpapasara ng mga iligal na sugal sa buong bansa ngayon ayon sa aking impormante sa Kampo Krame.

Ang tanong tuloy ng ilan, mas mahalaga ba ang pagpapatigil ng sugal kaysa sa buhay ng ilang politico at ng kanilang supporters?

Pero isa lang ang natitiyak ko, tanging si DILG Sec. Año at PNP chief Carlos lang ang makakasagot.

Di ho ba Sec. Año at Gen. Carlos ?

AUTHOR PROFILE