Cumigad PNP-HPG Director, Brigadier General Jay R. Cumigad

PNP-HPG kinasuhan ng cyber libel Vivamax artist

June 14, 2024 Alfred P. Dalizon 266 views

PORMAL nang naghain ng kasong cyber libel ang Philippine National Police Highway Patrol Group (PNP-HPG) laban sa isang 24-anyos na Vivamax artist-social media influencer na lubos na nagpahiya sa mga Guardians of the Highways matapos sabihin na siya ay may isang hagad na escort.

Ayon kay PNP-HPG director, Brigadier General Jay R. Cumigad, sinampahan nila ng kasong paglabag sa Section 4 ng Republic Act (RA) 10175, o mas kilala sa tawag na Cybercrime Prevention Act of 2012, ang Vivamax artist sa Quezon City Prosecutor’s Office.

Ang respondent ang nasa likod ng isang viral social media post kung saan sinabi niya na siya ay may HPG motorcycle escort sa kalsada, dahilan upang libakin ng husto ang mga inosenteng miyembro ng PNP-HPG.

Ayon sa batas, ang cyber libel ay magagawa ng isang indibiduwal kung ang kanyang statement ay malalathala online, ang agrabiyadong kampo ay madaling makilala at ang statement ay ginawa na may malisya o lubos na pagwa-walang bahala sa katotohanan.

Tumayo si Captain Jonah Ann Alonzo, ang officer-in-charge ng PNP-HPG Police Community Relations Section, bilang pangunahing complainant sa kaso na isinampa sa QC Prosecutor’s Office at tinanggap ni QC Assistant City Prosecutor Anna Fe Abad hapon ng Huwebes.

Ayon sa RA 10175, ang cyber libel ay maaaring makamit sa pamamagitan ng isang computer system. Ang batas na ito ay nagpalawak sa depinisyon ng traditional libel case sa ilalim ng Article 353 ng Revised Penal Code.

Nahaharap sa parusang prision mayor o pagkakakulong ng mula anim na taon at isang araw hanggang 12 taon ang sinomang mapapatunayang guilty sa naturang kaso. Sa traditional na libel, ang parusa ay mula anim na buwan at isang araw hanggang anim na taon.

Ang cyber-libel ay may kalakip din na multang mula P200,000 hanggang P1 million o mas mataas pa depende sa desisyon ng korte.

Ipinasya ng PNP-HPG na magsampa ng kasong cyber libel laban sa respondent dahil sa kanyang viral social media post na nagdulot ng maraming negatibong komento at pang-iinsulto sa PNP-HPG sa kabila ng wala namang katotohanan umano ang naturang pahayag.

Dahil sa naturang IG post, umani ng napakaraming negatibong komentaryo ang mga Guardians of the Highways na nagsasagawa na ngayon ng crackdown laban sa mga pekeng escorts at “moonlighting” na pulis at iba pang mga traffic enforcers.

Ayon sa respondent, dinelete na niya ang nasabing viral photo sa kanyang Instagram account dalawang linggo na ang nakaraan bago ito maging viral sa social media.

Sa kabila nito, isang screenshort ng kanyang IG story ang na-post sa Facebook at naging viral, dahilan upang madismaya ang liderato ng Pambansang Pulisya sa pamumuno ni General Rommel Francisco D. Marbil.

Ang viral post ay kumalat sa kabila ng mahigpit na crackdown na iniutos ng PNP chief laban sa mga pulis at iba pang mga traffic enforcers na may tinatawag na “escort-for-hire” racket noong mga nakalipas na linggo.

Sinabi ng respondent sa kanyang mga naunang pakikipagusap sa mga representante ng PNP-HPG na wala siyang ideya na ang kanyang IG post na kumalat sa Facebook ay naglagay sa PNP-HPG sa “hot seat” sa mata ng publiko.

Hindi rin niya sinabi kung talagang may HPG escort siya noong araw na na-share niya ang litrato ng isang HPG motorcycle rider na may caption “praising her lover for ‘hiring’ the escort.”

Ang IG post ay naging viral matapos na ito ay ma-share noong alas-5 ng hapon dalawang linggo na ang nakakaraan.

Nakontak ng mga PNP-HPG representatives ang respondent na residente ng Makati City upang tanungin kung totoong may HPG escort siya noong araw na iyon.

Sinabi ni Cumagad na kung totoo ito, ang naturang hagad ay mahaharap sa grave administrative charges dahil sa paglabag sa utos ng PNP leadership na nagbabawal sa mga pulis na mag-escort sa publiko ng walang kaukulang permiso.

Ayon pa sa kanya, inaalam nila ang posibilidad na ang naturang motorcycle rider ay nagsuot lang ng “HPG vest” at hindi tunay na miyembro ng kanilang unit.

Sinabi pa ng PNP-HPG director na mahigpit nilang pinapatupad ang kautusan ni Marbil na hulihin ang mga “fake/unauthorized security convoys” sa tulong ng kanilang “Wastong Hatak” program.

Ang viral Facebook post ay galing sa original IG post na nagpapakita ng isang hagad na may suot na HPG reflectorized vest at lumalabas na diumano’y escort ng respondent.

Lubos na napahiya ang PNP leadership sa naturang post dahil sa mga negatibong komentaryo ng mga netizens.

Dahil dito, iniutos ni Cumigad sa mga hepe ng Regional Highway Patrol Units National Capital Region, Region 3 at Region 4-A na mahigpit na imbestigahan ang katotohanan sa nasabing post at kilalanin ang diumano’y escort sa larawan.

Sinabi ng heneral na wala silang “escort-for-hire” service dahil ito’y labag sa kanilang existing protocols at regulasyon.

AUTHOR PROFILE