
PNP, Comelec mas pinaigting siguridad para sa papalapit na halalan 2025
MAS lalo pang hinigpitan ng Philippine National Police (PNP) ang seguridad sa buong bansa para sa nalalapit na May 12 National and Local Elections sa pamamagitan ng pinaigting na anti-criminality checkpoints at pagpapatupad ng nationwide gun ban.
Simula noong Enero 1 hanggang March 1, may kabuuang 1,398 na gun ban violators na ang naaresto ng PNP, karamihan sa kanila ay civilians at may nakumpiska nang 1,422 na iba’t-ibang baril.
Na-validate na din ng PNP ang 9 na Election-Related Incidents, anim sa kanila ay Violent ERIS kung saan ay tatlo ang nangyari sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao at tig-isa sa Regions 1, 9 at 12.
Pinangunahan nina PNP chief, General Rommel Francisco D. MArbil at Comelec chairman George Erwin Garcia ang 2nd meeting ng Security Task Force para sa NLE 2025 kung saan binigyang-diin nila ang kahalagahan ng koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa eleksyon.
Ilan sa mga mahahalagang paksa na tinalakay ay ang Current Risk and Threat Assessment na piniresenta ni PNP Director for Intelligence, Major Gen. Westrimundo D. Obinque at at updates on security preparation na inilahad ni PNP Director for Operations, Maj. Gen. Nicolas S. Salvador.
Nagbigay rin ng mga update ang Comelec tungkol sa kanilang mga paghahanda sa eleksyon kabilang ang checkpoints, pagpapatupad ng Fair Election Act, at mas pinaigting na kampanya laban sa vote-buying at iba pang election-related offenses.
Alinsunod sa direktiba ni Pangulo Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyakin ang integridad ng proseso ng halalan, muling pinagtibay ng PNP at Comelec ang kanilang dedikasyon sa pagpapanatili ng isang ligtas, tapat, at transparent na eleksyon.
Patuloy na binibigyang-diin ng Pangulo ang pangangailangan ng mahigpit na pagpapatupad ng batas at masusing mga hakbang sa seguridad upang mapangalagaan ang integridad ng halalan at demokrasya ng bansa.
Tiniyak naman ni Gen. Marbil ang dedikasyon ng kapulisan sa kanilang tungkulin sa nalalapit na eleksiyon.
“Mananatiling matatag ang PNP sa pagbibigay-seguridad sa 2025 elections. Sa ilalim ng gabay ni Pangulong Marcos at sa mahigpit na koordinasyon sa Comelec, ipatutupad namin ang lahat ng kinakailangang hakbang upang matiyak ang isang patas at mapayapang eleksyon,” sinabi niya.