Default Thumbnail

PNP bumuo ng SITG para sa negosyanteng pinatay ssa Davao

January 2, 2023 Zaida I. Delos Reyes 192 views

ISANG Special Investigation Task Group (SITG) ang binuo ng Davao City Police upang magsagawa ng imbestigasyon hinggil sa pag-ambush at pagpaslang sa isang business woman nitong Huwebes saa naturang lungsod.

Nakilala ang biktima na si Yvonne Chua, 38, residente ng Green Meadow Subdivision, Buttercup Street, Tugbok District, Davao City.

Batay sa ulat na nakarating sa Camp Crame, kabababa lamang ng biktima sa kaniyang Montero at papasok na sa gate ng kanilang tahanan nang huminto ang isang motorsiklo at pinagbabaril ang biktima na naging sanhi ng kanyang kamatayan.

Ayon kay Davao City Police Director P/Col. Alberto Lupaz, sa loob ng dalawang linggo ay kailangang makapagsampa na ng kaso laban sa salarin at mabigyang linaw ang krimen.

“Within two weeks kailangan may ma-filelan tayo ng kaso, as early as possible kasi hindi pwedeng patagalin ito, so within two weeks dapat magkaroon na kami ng linaw kung ano ang path na susundan naming”, pahayag ni Lupaz.

Napag-alaman na bago ang insidente ay may nakaalitan umano sa trapiko ang biktima kung saan nagalit ang rider ng motorsiklo nang mag-dirty finger pa ito bago umalis sa lugar.

Sinabi ni Lupaz na mayroon na silang Person of Interest (POI) sa kasong ito matapos na makunan ng CCTV footage ang pagbaril sa biktima .

“As of now, mayroon tayong tinitingnan na anggulo at mga motibo, tinitingnan natin dito ay it could be personal grudge dahil businessman siya at saka personal life niya “, dagdag ni Lupaz.

Hindi rin aniya nila isinasantabi ang anggulong pagnanakaw matapos na tangayin ng suspect ang bag ng biktima.

Sa kasalukuyan patuloy naman ang pangongolekta ng karagdagang ebidensya ng pulisya upang maresolba ang kasong ito.