Umandap

Planong gawing legal muli ang e-sabong, tinutulan ng Ako-OFW party-list

August 9, 2024 Edd Reyes 234 views

MARIING tinutulan ng Ako-OFW party-list ang mungkahing ibalik muli ang online cockfighting o “e-sabong” na nauna ng ipinatigil ng pamahalaan matapos ang pagkawala ng 30-sabungero na sangkot sa e-sabong.

Ayon kay Ako-OFW Chairman Dr. Chie Umandap, bagama’t kailangan dagdagan ang pondo para sa patuloy na pagkakaloob ng social services at ayuda sa mga mamamayan, hindi aniya solusyon ang panukalang payagang muli ang pagbubukas ng e-sabong.

“In my humble opinion, there are other ways where we can generate revenue, and definitely legalization of e-sabong is not one of them,” pahayag ni Ako-OFW Chairman Dr Chie Umandap.

Dinagdag pa ni Umandap na may ilang nagbulong sa kanya na may ilang dambuhalang operator ng e-sabong ang naglalaan na umano ng “lobby money” upang maitulak na muling maging legal ang online sabong.

Sa ginawang pagdinig House Committee on Appropriations tungkol sa budget ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor) para sa taong 2025, tinanong ni OFW Party-list Rep. Marissa Magsino si Pagcor Chair Alejandro Tengco kung posible bang gawing legal muli ang kasalukuyang ipinagbabawal na “e-sabong” upang matulungan ang ahensya na patuloy na makalikom ng kita sa gitna ng pagbabawal sa POGO.

Naniniwala ang Ako-OFW na ang e-sabong ay nagdudulot ng malaking kapahamakan at pasakit sa mga OFW at maging sa kanilang mga pamilya. “Marami na ang nabaon sa pagkakautang dahil dito, maging sa ibang bansa,” sabi ni Umandap.

May ilang mga miyembro na aniya sila na nasa ibang bansa ang humingi ng tulong upang makauwi sa Pilipinas bunga ng pagkabaon sa utang dahil sa pagkahumaling sa e-sabong kaya’t tinututulan aniya nila ito para maprotektahan, hindi lamang kanilang naipon para sa pamilya, kundi lalu na ang kanilang buhay.

AUTHOR PROFILE