Tolits Ang masayahing copy monitor ng PJI na si Angelito ‘Tolits’ Joriza

PJI nagdadalamhati sa biglaang pagpanaw ng butihing empleyado

August 29, 2021 Francis Naguit 1703 views

NAGDADALAMHATI ang Philippine Journalists, Inc. sa biglaang pagpanaw ng masipag at matapat na empleyado nito Lunes ng umaga.

Si Angelito ‘Tolits’ Joriza, 54, copy monitor, residente ng Dasmariñas, Cavite, ay natagpuang wala ng buhay sa loob ng comfort room ng opisina sa Port Area, Manila.

Napag-alamang Sabado ng gabi ay di na nakita si Joriza sa kanyang higaan sa opisina. Isa siya sa mga stay-in employees dulot ng MECQ status sa National Capital Region.

Nakitang nakaparada ang kanyang bisikleta malapit sa C.R sa loob ng PJI. Gawain umano nito na mag-bisikleta sa gabi at sa umaga bago siya mag time in at out sa nasabing opisina.

Ayon naman sa isang kasamahan ni Joriza na si Rey, pasado 6 a.m. ng Linggo ay maliligo sana siya ngunit nakita nyang nakakandado ang pinto ng comfort room.

Kumatok siya ngunit walang sumasagot. Humingi ng tulong si Rey sa iba pang empleyado ng PJI at sinira nila ang pintuan ng banyo. Tumambad sa kanila ang nakahandusay at wala ng buhay na si Joriza. Wala itong damit pang itaas at naka underwear.

Agad rumesponde ang mga kapulisan ng MPD Baseco Station 13 at MPD Homicide sa PJI na matatagpuan sa 19-20 Streets corner Railroad St,.Port Area, Manila para imbistigahan ang pangyayari.

Kasalukuyang nasa pangangalaga ng Funeraria Cruz na matatagpuan sa Blumentritt St., Sta Cruz, Manila, ang mga labi ni Joriza.

“Nagdadalamhati ang buong empleyado ng PJI pati ang pamilya ni Tolits dahil sa ito ay napakabait at masayahing tao. Paalam, Tolits. Maraming salamat sa iyong paglilingkod sa Peoples Journal at Peoples Tonight. Rest in peace,” ang mensahe ng kanyang mga katrabaho. Nina FRANCIS NAGUIT & JON-JON C. REYES

AUTHOR PROFILE