Lovi & Piolo

Piolo at Lovi, bibida sa Pinoy adaptation ng sikat na K-drama … aktres, pumirma sa Kapamilya

September 16, 2021 Ian F. Fariñas 362 views

LoviPRECIOUS Jewel.” ’Yan ang bansag ngayon ng Kapamilya channel sa bagong lipat na si Lovi Poe.

Pumirma na nga ng kontrata sa ABS-CBN ang dating Kapuso actress na binigyan pa ng engrandeng welcome at solo online mediacon ng Kapamilya bosses kahapon.

“Parang I have butterflies in my stomach. I’ve been here befoe, I’ve done guestings in the past but iba ’yung tumapak ako dito bilang isang Kapamilya. Before heading here, I was very nervous because I was stepping in a whole different world but then everyone’s been very warm, thank you. It feels like a dream come true,” bungad ni Lovi sa press.

Isa ang kaka-renew lang din ng kontrata na si Piolo Pascual sa mga sumalubong sa aktres.

Magsasama ang dalawa sa Pinoy adaptation ng hit Korean drama na Flower of Evil.

Sa mediacon na hinost ni Robi Domingo, naikuwento ni Lovi na ang Flower of Evil ay katuparan ng pangarap at usapan nila ni Piolo na magsama sa isang proyekto.

Nangyari raw ang pag-uusap na ’yon sa kasalang Hayden Kho at Dra. Vicki Belo sa Paris ilang taon na ang nakakaraan.

Bukod kay Piolo, bet ding makatrabaho ni Lovi ang iba pang Kapamilya stars gaya nina Coco Martin, Gerald Anderson, JM de Guzman, Carlo Aquino, Zanjoe Marudo at sa mga babae naman, sina Anne Curtis, Liza Soberano at ang dati ring Kapuso na si Janine Gutierrez, among others.

Bilang anak ng yumaong Hari ng Pelikulang Pilipino na si Fernando Poe Jr., bukas din ang dalaga sa paggawa ng female version ng Ang Panday.

Magandang oportunidad at experience rin daw kung mapapasama siya sa longest-running at top-rating action series ni Coco na FPJ’s Ang Probinsyano.

Handa si Lovi na i-explore ang bagong experiences bilang Kapamilya at wish niya raw talaga na makapagbida sa isang action project.

Ito ay matapos sumabak sa unang ABS-CBN project niya nu’ng 2020, ang iWantTFC original movie na Malaya, kung saan nabigyan siya ng Gawad Urian best actress nomination.

Aminado ang aktres na hindi mawawala ang bashers lalo na ngayong nagdesisyon siyang lumipat ng network.

Paglilinaw niya, hindi naging madali ang proseso nito lalo pa nga’t 15 years din siya sa Kapuso channel.

“It was one of the toughest things I had to do,” aniya sa press. “I’ve nothing but good words and respect for GMA, there’s no other way than to be grateful. It was tough, but I’m here to celebrate my new home, too, my new family,” dagdag ni Lovi.

Marami raw siyang mami-miss sa dating home network, halimbawa na, ang kanyang naging routine doon at ang mga kaibigan mula sa network execs hanggang sa production staff, crew, atbp.

Hindi man niya pormal na naipagpaalam ang ginawang paglipat, naniniwala si Lovi na masaya pa rin ang mga Kapuso para sa kanya.

“I’m excited and looking forward to making new friends, starting new relationships,” giit ng dalaga.

Masasaksihan ang iba’t ibang talento ni Lovi sa mga pelikula, musika, digital show at concert sa TV at sa digital ng ABS-CBN.

Sa pagtuloy niya bilang isang Kapamilya sa bagong chapter ng kanyang career, mas marami ring gagawin na international projects si Lovi.

Ngayong taon, inilunsad niya ang recording career sa Amerika at naglabas ng mga awiting Candy, Lost at Under sa ilalim ng VIM Entertainment sa Los Angeles.

Malapit na rin niyang i-release ang EP niya sa tulong ng American producers na sina Bob Robinson, KrisKeyz at Grammy winner na si Omen.

Bibida rin si Lovi sa unang Hollywood movie niya kasama ang British stars na sina Alex Pettyfer at Poppy Delevingne, ang The Chelsea Cowboy, kung saan gagampanan niya ang papel bilang English singer at icon na si Dana Gillespie.

AUTHOR PROFILE