Mina

Pintor sinugod sa bahay, dedo sa pamamaril sa Caloocan

February 28, 2022 Edd Reyes 477 views

PINASOK ng hindi pa nakikilalang armadong suspek ang bahay ng isang pintor at walang habas na pinagbabaril, Linggo ng gabi sa lungsod ng Caloocan.

Patay na nang datnan ng mga nagrespondeng tauhan ng Barangay at Caloocan Police Sub-Station-7 ang biktimang si Hermohenez Ariola, alyas “Komang”, 40, sa loob nng kanyang tirahan sa Area A, Libis, Waling-Waling St., Bgy. 175 matapos magtamo ng mga tama ng hindi batid na kalibre ng baril.

Sa ulat na tinanggap ni Caloocan Police chief P/Col. Samuel Mina, nagpapahinga na sa loob ng kanyang tirahan dakong alas-11:30 ng gabi ang testigong si Nenita Loquinario, 55, na nakatira sa katabing bahay lang ng biktima nang makarinig siya ng sunod-sunod na putok ng baril.

Nangambang lumabas ng bahay si Loquinario kaya’t sa halip, tinawagan niya ang hotline ng barangay at pulisya, upang ipabatid ang narinig niyang mga putok ng baril mula sa loob ng bahay ng biktima.

Nagsagawa naman kaagad ng follow-up operation ang kapulisan subalit nabigo silang madakip o makilala man lang ang salarin.

Iniutos na rin ni P/Col. Mina sa mga imbestigador ang paghingi ng koordinasyon sa barangay at ilang establisimyentong may nakakabit na close circuit television (CCTV) camera sa lugar upang makahingi ng kopya ng kuha ng kanilang surveillance camera sa pagbabakasakaling makilala ang salarin habang inaalam pa ang motibo sa pamamaslang.

AUTHOR PROFILE