Pintor ‘nangmanyak’ ng 8- anyos sa computer shop

June 23, 2022 Edd Reyes 41 views

ARESTADO ang 36-anyos na pintor na puwersahang pinahaplos ang “maselang bahagi” ng kanyang katawan sa 8-taong gulang na batang babae habang nanonood ng malalaswang palabas sa loob ng isang computer shop sa Navotas City.

Natuklasan lamang ng nakatatandang kapatid ng Grade 3 na mag-aaral ang ginawa ng suspek na naninirahan sa R. Domingo St., Bgy. Tangos North, sa biktima nang magsumbong ang kanyang mga kaibigan sa kanyang ate, Martes ng hapon.

Lumabas sa imbestigasyon ni P/SSgt. Annloren Binalla ng Navotas Police Women and Children’s Protection Desk (WCPD) na nasa loob ng computer shop ang biktima at mga kaibigan dakong alas-11:30 ng gabi nang tawagin ng suspek at paupuin sa kanyang tabi habang nanonood ng malalaswang palabas.

Nakuhanan pa ng nakakabit na closed-circuit television (CCTV) camera sa loob ng computer shop ang puwersahang paghawak ng suspek sa kamay ng bata at pilit na ipinahaplos ang maselang parte ng kanyang katawan.

Nang mapansin ng suspek ang nakakabit na CCTV camera, kaagad na tumalilis palabas ng computer shop para tumakas.

Humingi naman ng tulong sa mga tauhan ng Navotas Police Sub-Station-2 ang kapatid ng biktima nang matuklasan ang pangyayari mula sa mga kaibigan ng bata na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.

Iprinisinta ang suspek sa piskalya ng Navotas para sa inquest proceeding kaugnay sa kasong Acts of Lasciviousness in relation to RA 7610 of ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act na isinampa laban sa kanya.

AUTHOR PROFILE