Pinoys sa Morocco ayaw umuwi sa ‘Pinas
WALANG Filipino sa Morocco na gusto bumalik sa Pilipinas matapos ang intensity-6.8 na lindol sa pumatay sa mahigit 2,000 tao na naturang bansa.
Ito ang inihayag ni Department of Foreign Affairs o DFA Assistant Secretary Paul Cortez.
“So far, wala po sa kababayan natin ang humihingi ng repatriation. Kung meron man nakahanda ang ating gobyerno na tulungan silang makauwi,” pahayag ni Cortez.
Wala ding nasaktan o nasugatan na Pinoy sa lindol na tumama sa North African country noong Linggo.
Sa tala ng DFA, mayroong 4,600 Pinoy ang nakatira sa Morocco at nasa 50 lamang ang nakatira sa Marrakesh na sentro ng lindol.
Ipinaalaala ni Cortez sa mga Pinoy na gusto humingi ng tulong sa pamahalaan na maaari silang tumawag sa embahada ng Pilipinas sa Rabat sa +212660764577.
Tiwala naman ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na handa ang Pilipinas sa banta ng malalakas na lindol tulad ng naganap sa Morocco.
Sinabi ni Phivolcs director Teresito Bacolcol na sa dami ng pagsasanay na ginagawa ng mga ahensya ng gobyerno para ihanda ang mga mamamayan sa oras ng lindol, tiyak niyang alam na ng taumbayan kung ano ang mga dapat gawin.
“I think we’re much more prepared now than before, say 20 or 30 years ago. Aware ang mga tao ngayon. Isa sa mga dahilan dito is every quarter na earthquake drill na ginagawa ng NDRRMC,” paliwanag ni Bacolcol.