Robin

Pinoys kailangan ng disiplina–Robin

August 20, 2023 PS Jun M. Sarmiento 277 views

HIGIT sa pagiging “keyboard warrior,” kailangan ang disiplina at kahandaan sa tulong ng Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) sa pagtatanggol sa bayan, lalo na laban sa dayuhang mananakop.

Iginiit ito ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla sa pagtatapos ng Visayas Regional Qualifying Leg ng Philippine ROTC Games 2023 sa Iloilo City.

Ayon kay Padilla, maaaring madamay ang Pilipinas sa tensyon sa Asya at ibang bahagi ng mundo, kung kaya’t kailangang handa at organisado ang mamamayan, lalo na ang kabataan.

“Sana dumating ang araw na yung mga kabataan na matapang lang sa keyboard, na nakikipag-away sa keyboard, (na naniniwalang) mapapangalagaan ang kalayaan natin sa pagiging warrior sa keyboard, e sana gumaya sila sa inyo.

Gumaya sila sa pagmamahal ninyo sa bayan, pagmamahal ninyo sa pamilya ninyo. At higit sa lahat ang disiplinang meron kayo,” sabi ng senador.

Ani Padilla, panahon na ngayon ng pagbabago sa daigdig, kasama ang giyera sa Ukraine at ang gusot sa Taiwan.

Nguni’t ipinunto niya na bagama’t handa ang kapitbahay natin katulad ng South Korea at Singapore na may mandatory military service sa mga mamamayan, wala nito sa Pilipinas.

“Tayo lang ang relax na relax, relax na relax tayong mga Pilipino,” aniya.

Ayon din sa kanya, hindi niya maintindihan ang argumento ng ilan na makakapigil sa kalayaan ang ROTC.

Tinapos ni Padilla ang kanyang talumpati sa pagkanta ng “Pilipinas Kong Mahal,” na kinanta niya nang pumunta siya sa Pagasa Island noong 2021.