Ping

Ping nagpasalamat sa mga supporter

May 2, 2022 People's Tonight 291 views

KUMPIYANSA si presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson na madadala niya ang bansa sa maayos na direksyon sa tulong ng kanyang mga tagasuporta at mga boluntaryong tumutulong sa kanyang kampanya na masigasig na itinatawid ang kanyang adbokasiya maging sa mga kanayunan.

Sa kanyang tweet nitong Lunes (Mayo 2), nagbigay-pugay si Lacson sa mga miyembro ng BRAVE Movers na sinuong ang mahirap na daan patungo sa Brgy. Tabing-Ilog, Licab, Nueva Ecija para lamang maihatid ang mensahe ng pag-asa at mabuting pamahalaan ni Lacson.

“Pray tell, which candidate will not be inspired by volunteers who risk their limbs, selflessly campaigning in the ‘deepest corners’ of the country?” sabi ni Lacson kalakip ang video ng grupo ng mga volunteer na tumatawid sa palayan sa pamamagitan ng pansamantalang tulay yari sa kawayan.

Sa press conference na idinaos noong Araw ng Paggawa, kasama ang kanyang running mate na si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III, masiglang kinuwento ni Lacson ang grupo ng mga volunteer na nagsasakripisyo para ikampanya siya mula pa ‘nung umpisa.

Sinabi ni Lacson na patuloy silang aasa sa suporta ng 500,000 mga volunteer sa buong bansa na nakatutok sa harapang pakikipag-usap sa mga botante na hindi napupuntahan o napapansin ng ibang mga kandidato.

“They don’t concentrate on highways, on major thoroughfares. Ang pinapasok nila talaga mga liblib. Sa tingin namin ‘yon ang mga bumoboto e, na hindi nararating ‘nung mga ibang kandidato, unless hakutin papunta sa bayan,” sabi ng presidential candidate.

“I was so touched by what they are doing… May mga ganoon kami, na talagang very sincere and selfless ‘yung kanilang tulong. Ang pinapasok nila the deepest corners of the municipalities and the barangays. So, we’re banking on that kasi hindi naman lalabas sa survey ‘yon e,” dagdag ni Lacson.

Noong Linggo (Mayo 1), nasungkit ng tambalang Lacson-Sotto ang suporta ng malalaking public transport group tulad ng Pasang Masda, ACTO (Alliance of Concerned Transport Organizations), at iba pang mga samahan ng tsuper ng dyip na nag-organisa ng kanilang motorcade sa Metro Manila.

Umikot sila sa pitong lungsod para makita ang kanilang mga tagasuporta. Ilan sa mga ito ay mga pasahero sa loob ng bus na kumaway at nakipag-kamay sa kanila. Sinabi nina Lacson at Sotto na nagpapasalamat sila sa mga natural na sandaling ito na nagpalakas ng kanilang kumpiyansa.

“Merong area na maraming tao, may area na konti lang. Pero wala akong narinig na sumigaw nang masama. Wala akong narinig na sumigaw ng ibang pangalan kundi Lacson-Sotto. Nakikita ko sa ibang motorcade, ‘di ba, may nagmumura pa?” sabi ni Sotto.

“At saka spontaneous ‘yon e. Mas gusto namin ‘yung… Hindi namin style ‘yung mag-organize para pakitang tao na maraming sumusuporta, maraming tao na pupunta. Hindi namin style ‘yon e,” ayon pa sa vice-presidential candidate.

Binanggit ni Lacson na sa lahat ng kanilang mga aktibidad nila sa kampanya, naging maayos ang kanilang pakikisama sa lahat ng uri ng tao na nakakasalamuha nila, at nagbibigay sila ng kaukulang respeto dahil nauunawaan nila na ang bawat isa ay may iba’t ibang pinagdaraanan sa buhay.

AUTHOR PROFILE