Pinas, UAE sinelyuhan iba’t ibang kasunduan
BALIK Pilipinas na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. matapos ang isang araw na produktibong working visit sa United Arab Emirates.
Bitbit ni Pangulong Marcos ang iba’t ibang kasunduan sa pagnenegosyo at kalakalan.
Sa arrival statement, sinabi ni Pangulong Marcos na muling pinagtibay ng Pilipinas ang commitment para sa lalong pagpapalakas ng bilateral ties sa UAE.
Kasama rin sa bilateral agreements ang usapin sa kultura, energy transition, legal cooperation, artificial intelligence, digital economy at iba pa.
Pinasalamatan din ni Pangulong Marcos si UAE President, His Highness Sheikh Mohamed bin Zayed Al Nahyan dahil sa pangangalaga at respetong ibinibigay nito sa mga Filipino sa UAE.
Kasama din sa ipinagpasalamat ng Pangulo kay Sheikh Al Nahyan ang ibinigay nitong pang- unawa para sa kanyang maikling pagbisita dahil kailangang atupagin ang rehabilitation at reconstruction activities sa mga Lugar na tinamaan ng nagdaang mga bagyo.
Nagpahatid din ng kanyang pasasalamat ang Pangulo sa UAE government kaugnay ng ipinahatid nitong humanitarian support para sa mga nabiktima ng kalamidad.
Inimbitahan ni Pangulong Marcos si Sheikh Al Nahyan na muling bumisita sa Pilipinas sa mga darating na buwan upang ipagpatuloy ang kanilang talakayan at tuklasin ang iba pang mga larangan ng kooperasyon sa pagitan ng Pilipinas at UAE.
Lumapag ang eroplanong sinasakyan ni Pangulong Marcos sa Villamor Air Base sa Pasay city ng Miyerkules ng 10:00 ng umaga, Nobyembre 27.
Maritime issue tinalakay
Idiniga ni ni Pangulong Marcos Jr. ang usapin sa maritime issue at regional stability kay United Arab Emirates (UAE) Vice President and Prime Minister Sheikh Mohammed bin Rashid Al Maktoum.
Nagkaroon ng pagpupulong ang dalawang lider nang bumisita si Pangulong Marcos sa UAE para sa isang araw na working visit.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), ipinangako ni Pangulong Marcos kay Sheik Mohammed ang commitment ng PIlipinas na resolbahin ang maritime issue sa pamamagitan ng pagsunod sa rule of law at international agreements lalo na sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Iginiit pa ni Pangulong Marcos ang walang humpay na pagsusulong ng Pilipinas sa peace and economic stability sa rehiyon.
Ikinatuwa naman ito ni Sheikh Mohammed.
Ayon kay Sheikh Mohammed, lalo lamang lumalakas ang ugnayan ng dalawang bansa lalo na saa usapin sa trade at investment.