Lizadi

’Pinas, tampok na spotlight country sa Locarno Fest

July 23, 2021 People's Tonight 106 views

Isang competing film, tatlong non-competition titles, at anim na filmmakers ang bumubuo sa malakas na Philippine Delegation sa Locarno Film Festival sa Switzerland mula Agosto 4 haggang 14.

Ginaganap tuwing Agosto mula 1946, ang Locarno ay isa sa longest-running annual festivals sa buong mundo na tumutuon sa auteur cinema kung saan nagsasama-sama ang film fans at industry professionals upang makadiskubre ng bagong inspirasyon at gawing cinematic artistry ang kanilang passion.

Para sa ika-74 na edisyon nito ngayong taon, nakatakdang lumahok ang Kun Maupay Man It Panahon (Whether the Weather is Fine) ni Carlo Francisco Manatad sa Concorso Cineasti del Presente (Filmmakers of the Present Competition), isang seksyong dedikado sa mga umuusbong na director mula sa iba’t-ibang panig ng mundo.

Ipapalabas ang napiling feature films bilang world o international premieres, at mula documentary hanggang fiction ang makikipag-kompetensya para sa Pardo d’oro Cineasti del presente.

Pinagbibidahan nina Daniel Padilla, Rans Rifol at Charo Santos-Concio, ikinukuwento ng lalahok na pelikula kung paano nagpunyagi ang mag-ina upang makaligtas mula sa Typhoon Yolanda na humagupit sa Tacloban, Leyte noong 2013.

Naging parte ang pelikula sa 2019 Film Development Council of the Philippines (FDCP) Project Market at nagawaran ito ng pondong nagkakahalagang P2.5 million sa pamamagitan ng FilmPhilippines International Co-production Fund (ICOF) ng ahensya noong 2021.

Mula 2019 hanggang 2021, pinipili ng Locarno Open Doors program na i-spotlight ang film projects, talents at producers mula Mongolia at Southeast Asia, tulad ng Laos, Thailand, Cambodia, Vietnam, Myanmar, Indonesia, Malaysia at Pilipinas.

Binubuo ang Open Doors program ng Open Doors Hub, Open Doors Lab at Open Doors Screenings na sabay gaganapin mula Agosto 6 hanggang 10.

Ang documentary film na Aswang ni Alyx Ayn Arumpac at ang short films na Excuse Me, Miss, Miss, Miss ni Sonny Calvento at Next Picture ni Cris Bringas ay magiging bahagi ng Open Doors Screenings, isang non-competitive seksyon na sinisiyasat ang pagkakaiba ng filmmaking ng mga napiling pelikula mula sa mga kalahok na mga bansa.

Magiging bahagi naman sina director E Del Mundo at producer Pamela Reyes at ang kanilang proyekto na Sam sa Open Doors Hub, isang co-production na platform na may anim na araw na programa para sa walong napiling project teams na makakatulong sa kanilang paghahanap ng international collaborations sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng access sa groups discussions at networking activities kasama ang industry decision makers at festival guests.

Lalahok naman si producer Stelle Laguda sa Open Doors Lab, isang producer-centric training program na may anim na araw para sa walong filmmakers upang mahasa ang kanilang kakayahan at kamalayan sa international marketplace.

Noong Abril, nagpatawag ng entries ang Match Me! Program nito kasama ang FDCP bilang Match Me! Partner. Tatlong araw na networking platform ito na nakalaan para sa young producers upang magkaroon sila ng pagkakataong maipakilala ang profile at projects ng kanilang kumpanya sa potensyal na co-producers.

Kabilang sa mga delegado ang producers na sina Sara Brakensiek para sa proyektong Kathoey, Patti

Lapus para sa Goliath at Micah Tadena para sa Inherit.

“The FDCP’s partnership with Locarno has opened countless doors for Filipino talents and projects. Through the Open Doors Program, our emerging talents have been given opportunities to enhance their skills, develop their projects, and build on their international network, all of which have successfully boosted the global competitiveness of Philippine Cinema,” wika ni FDCP Chairperson at CEO Liza Diño.

Noong 2020, nagpasya ang Locarno na gawing online ang festival para sa mga kalahok at manonood nito dahil sa COVID-19 pandemic.

Isa sa mga proyekto na lumahok sa Open Doors ang Zsa Zsa Zaturnnah vs. The Amazonistas of Planet X ni Avid Liongoren na nakatanggap ng Locarno Development Support Grant na nagkakahalaga ng 14,000 Swiss francs.

Ngayong taon, ibabalik muli ang Locarno sa Piazza Grande, ang mismong simbolo ng festival, upang maingat na maibalik ang mahiwagang festival experience para sa mga manonood.

AUTHOR PROFILE