
Pinas nakakahiya sa ‘lunok’ issue–Poe
“NAKAKAHIYA para sa buong bansa at para sa mga imahe ng mga Pinoy sa mundo.”
Ito ang mariing pahayag ni Sen. Grace Poe sa gitna ng pagdinig ng Finance Sub-Committee para sa proposed 2024 budget ng Department of Transportation.
Tinukoy ni Poe, chairperson ng Senate Committee on Transportation, ang pagsubo ng babaeng opisyal ng Office of Transportation Security ng $300 na umano’y kinikil sa isang banyaga.
Ayon sa senador, hindi dapat palagpasin ang ganitong uri ng pagnanakaw dahil nakataya ang karangalan at mukha ng ating bansa at bawat Pilipino sa buong mundo.
Iginiit ni Poe sa mga transportation officials na naroroon sa pagdinig na dapat lamang siguraduhin at lalo pang higpitan ang surveillance measures sa loob ng airport para maiwasang maulit ang ganitong pagnanakaw ng ilan sa mga empleyado o kawani ng airport sa mga inosenteng pasahero.
Ayon pa kay Poe, hindi dapat palagpasin ang ganitong anomalya kung at iginiit niyang kailangan mabigyan siyang ng kopya ng isinasagawang imbestigasyon sa naturang insidente sa pamumuno ng Office of Transportation Security (OTS).
Matatandaan na naging viral ang video ng isang babaeng screening officer na kawani ng airport na kitang-kitang nilulunok ang $300 dollar na kinupit mula sa isang pasahero.
“They embarrass not only themselves…but also our country,” sabi ni Poe.
Sinabi naman ni DOTr Sec. Jaime Bautista mariin nilang tinututukan ang ganitong mga pagnanakaw ng mga kawani ng airport at bantay sarado umano sila sa mga ito.
Sa katunayan, 19 airport employees ang nahuling nagnanakaw sa mga pasahero gayundin sa kanilang mga bagahe.