Pinas handa na sa Osaka World Expo ’25
TINIYAK ng Pilipinas ang magandang experience sa pagdiriwang ng World Expo 2025 sa Osaka, Kansai, Japan.
Pinangunahan nina Department of Tourism (DOT) Secretary Christina Garcia Frasco at Tourism Promotions Board chief operating officer Maria Margarita Montemayor-Nograles ang unveiling ceremony sa The Garden Oriental Osaka.
“Ang paglahok ng Pilipinas sa World Expo 2025 ay magiging isang pagpapakita ng likas na kagandahan at biodiversity ng ating bansa,” sabi ni Frasco.
Itinalaga ang DOT bilang tagapangulo ng Philippine Organizing Committee (POC) na nabuo sa bisa ng Administrative Order No. 7 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Abril 19, 2023.
“Ang ating pakikilahok sa World Expo ay pagdiriwang din ng matagal na at mahusay na bilateral na relasyon sa pagitan ng Pilipinas at Japan. Ang Expo 2025 sa Osaka nag-aalok ng isa pang paraan upang palalimin ang ugnayang ito habang ibinabahagi natin ang ating mayamang pamana sa kultura at makabagong diwa sa ating mga kaibigang Hapon at sa mundo.
Nais kong pasalamatan ang POC para sa World Expo Osaka sa pangunguna ng Kagawaran ng Turismo ng Pilipinas, kasama ang Tourism Promotions Board bilang secretariat na walang pagod na nagtatrabaho upang matiyak na ang Philippine pavilion magsisilbing tanglaw na nag-aanyaya sa lahat,” sabi ni Philippine Ambassador to Japan Mylene Garcia-Albano.
Nagpahayag ang mga opisyal ng Japan ng suporta para sa konsepto ng Philippine pavilion sa paparating na World Expo 2025.
“Nasasabik akong malaman ang tungkol sa konsepto ng napakagandang pavilion. Sa ating nasaksihan, ang Pilipinas talagang biniyayaan ng mayaman, natural at kultural na mga pamana na masasalamin sa konsepto ng Pavilion,” sabi ni 2025 World Exposition Commissioner General Ambassador Koji Haneda.
Ang gusali ay naka-iskedyul na makumpleto sa Marso 2025 para sa pagbubukas ng World Expo sa Abril 13, 2025.
Itinampok sa seremonya ng Pilipinas ang basbas ng isang paring Katoliko at ang tradisyon ng mga Pilipino sa paghahagis ng mga barya na minarkahan ang okasyon nang may pag-asa at kaunlaran.