Pinapatay ng illegal vendors ang industriya ng motorcycle parts sa Caloocan City!

July 22, 2021 Marlon Purification 272 views

Marlon PurificationMISMONG si Caloocan City Mayor Oca Malapitan pa ang nagdeklara na ‘Motorcycle Trading Capital’ ang lungsod dahil sila ang may pinakamaraming bilang ng mga lehitimong negosyante na nagbebenta ng motorsiklo, spare parts at iba pang safety gadgets na may kinalaman sa pagmomotor.

Katunayan, Oktubre, taong 2018 nang ilunsad kada-taon ang ‘Arangkada Motorsiklo’ na nagtatampok ng ‘motor show,’ ‘drag race’ at dalawang araw na ‘sale’ sa piyesa ng motor bilang bahagi din sa taun-taong pagdiriwang na National Tourism Week.

Nilalahukan ito ng iba’t ibang motorcycle club o associations at iba pang motorcycle enthusiasts na mula rin sa ibang bayan, lungsod o lalawigan.

Kung susumahin, aabot sa ‘100 motorcycle shops and spareparts’ ang nasa kahabaan ng 9th and 10th Streets sa Rizal Avenue. Labas pa rito ang iba’t ibang tindahan din ng piyesa ng motor sa distrito ng North Caloocan.

Kung kilala ang Banawe, Quezon City at Bangkal, Makati City sa mga bentahan ng piyesa ng kotse at apat na gulong na sasakyan, ang lungsod ni Congressman Along Malapitan ay kilala naman sa may pinakamarami at dikit-dikit na tindahan ng piyesa ng motorsiklo.

Malaking buwis ang kanilang ipinapanhik sa City Hall at marami rin silang nabibigyan ng trabaho.

Maayos na sana ang industriya ng motorsiklo sa lungsod. Ang kaso, tinamaan din sila ng pandemya kaya naapektuhan din ang kanilang benta.

Ngunit matapos din ang lockdown noong March ng nakalipas na taon, bigla ring nagsulputan ang mga illegal vendors sa South Caloocan. Sila iyong mga animo’y fixer o ‘budol gang’ na pilit hinaharang ang mga parokyano para sa kanila na lang bumili ng piyesa.

Ibig sabihin, sa halip magpunta sa mga lehitimong tindahan, sa kalsada pa lang ay hinaharang na sila ng mga vendors at pinipilit na sa kanila na lamang bumili.

May kakuntsaba silang maliliit na tindahan sa looban na siguradong mga walang business permit.

Kapag hindi pumayag, kadalasan ay hina-harass pa nila ang mga customer, bagay na kinatatakutan na rin ng ilang parokyano.

Masakit ang ganitong uri ng ‘modus operandi’ ng mga lehitimong negosyante. Unti-unti kasing sinisira ng mga illegal vendors ang industriya ng motorsiklo sa lungsod. Sila nga naman itong nagbabayad ng buwis, business permit at nagpapasuweldo sa kanilang tauhan – labas pa ang ibinibigay na kontribusyon sa SSS at Philhealth – sila pa itong nadedehado ng ganitong uri ng labanan.

Ang masaklap, mga peke at dispalinghadong piyesa rin ang ibinebenta ng mga illegal vendors kaya sinisira na ang industriya ay lugi pa rin ang mga ‘customers’ dahil hindi na nila alam kung pano nila hahabulin ang mga nanloko sa kanilang vendors.

Ayon sa mga nagsusumbong na lehitimong negosyante, madalas na rin nilang isinusumbong ang ganitong uri ng ‘pangha-harass’ at ‘panloloko’ ng mga illegal vendors, ngunit sa tuwing itinataboy sila ng mga tanod ni Kapitana Josepina Reyes ng Bgy. 106 ay nawawala sila pansamantala, tapos bumabalik uli pag-alis ng mga awtoridad.

Madalas din, kapag itinataboy ng businessmen ang mga illegal vendors ay sila pa ang inaaway, tinatakot at hina-harass; samantalang ibang tindera na rin nila ang nakararanas ng pambabastos.

May isang Chinese businessman din ang binugbog ng illegal vendor nang tinangka niya itong itaboy sa tapat ng kanilang tindahan.

“Sila na iyong illegal, sila pa iyong matapang. Sana matulungan kami ni Mayor Oca Malapitan bago pa malugi ang mga negosyo namin,” sabi ng isa pang neogysnate.

Dahil dito, isang manifesto ang ipadadala ng mga negosyante sa tanggapan ni Malapitan na nagpapasaklo sa panggigipit na inaaabot nila mula sa mga illegal vendors upang masagip din umano ang industriya ng motorsiklo sa lungsod.

Nais ding ipaalala ng mga businessmen na ang industriya ng motorsiklo ay malaking bagay din ngayong panahon ng pandemya dahil karamihan sa mga essential workers na napapasabak bilang frontliners ay motorsiklo ang pangunahing gamit na transportasyon sa pagpasok nila sa trabaho.

Motorsiklo rin ang ginagamit ng mga ‘food’ at ‘delivery riders’ na hina-harass din ng mga illegal vendors sa tuwing may bibilhing piyesa sa kanila.

Nakahanda anila silang humarap sa alkalde, gayundin kay Caloocan City police chief Col. Samuel Mina para sa masinsinang dayalogo upang maagapan ang pagkalugi ng kanilang negosyo.

Sa ganang akin, madaling masugpo ang mga abusadong illegal vendors na ito. Maglagay ng isang police outpost sa naturang lugar para hindi na magpabalik-balik ang mga perwisyong illegal vendors na ang ilan din ay pasimuno ng ‘snatching’ at ‘pickpockets’ sa naturang lugar.

Umaasa tayong matutuganan agad ito nina Mayor Oca at Cong. Along Malapitan.