Pinangungunahan si PBBM

May 27, 2022 Allan L. Encarnacion 125 views

Allan EncarnacionNOONG mga bata pa kami, palagi kaming nasasabihan ng mga matatanda namin ng huwag ka ngang adelentado!

Ito iyong parang nangunguna ka sa gusto niyang mangyari o umeepal ka nang wala sa hulog.

Ganyan ang ginagawa ngayon ng isang opisyal ng Duterte administration.

Ayon sa ating source, matapos luminaw ang panalo ni BBM bilang 17th President of the Republic, nagpakalat na ng manipesto si boss.

Pinapaikot umano ni chief ang papel sa kanyang mga tauhan at kapwa opisyal na ang laman ng manipesto ay gusto siyang panatilihing kalihim ng kanyang departamento. Ibig sabihin, gustong pangunahan ni kalihim ang incoming President para bigyan siya ng bagong appointment.

Hindi ko pa narinig magalit si BBM kahit anong bintang sa kanya ng mga kalaban niya sa eleksiyon. Pero sa pagkakataong ito, gusto nating marinig kay BBM ang sinasabi ng matatanda namin sa una: Adelentado ka!

Ang balita natin, ang manipesto ay pirmado na ng apat pang opisyal na subordinates ni chief. Ito sigurong apat na ito ay gustong mabigyan ng extension sa kanilang mga puwesto.

Ang mabigat sa manipesto na ito, hindi lang gumagala sa loob ng departamento, nakarating na rin sa mga contractors at mga suppliers ang papel na ito. Ano ang ibig sabihin nito? Simple lang nagiging “cashable check” na ang manipesto dahil iyong mga gustong makakuha ng kontrata sakali ngang mabigyan ng bagong appointment ay kaagad nagbibigay ng pera para kay chief.

Si opisyal ay masasabing bago lang sa ahensiya.

allanpunglo@gmail.com