Pinakamababang kaso mg COVID naitala sa Navotas

May 18, 2022 Edd Reyes 79 views

Edd ReyesHINDI lang ang pagkandidato bilang alkalde ni Congressman John Rey Tiangco at pagka-kongresista ni Mayor Toby Tiangco ang sinuportahan ng maraming mamamayan ng Navotas City kundi pati na rin ang paglaban ng lokal na pamahalaan sa COVID-19.

Nakapagtala kasi ang lokal na pamahalaan ng pinakamababang kaso ng mapanganib na sakit ngayong taong 2022 nito lang nakaraang Martes na umabot na lamang sa tatlo matapos ang limang sunod na araw na zero o wala isa mang naitalang kaso ng COVID-19.

Dahil dito’y lubos ang naging pasasalamat nina Mayor Toby Tiangco at Cong. John Rey Tiangco sa mga Navoteños na sumuporta at nakiisa sa kanilang kampanya na panindigang maigi ang laban kontra sa nakamamatay na virus.

Binati rin nila ang lahat ng mga opisyal at mamamayan sa kanilang naging sakripisyo at patuloy na pagbabantay na nagbunga ng kabutihan kasabay ng panawagang ipagpatuloy ang kanilang magandang gawain at pagtalima sa umiiral na health at safety protocols, pati na ang pagpapabakuna ng booster shot.

Pinaalalahanan naman ng alkalde ang mga Navoteños na doblehin ang pag-iingat lalu na’t kinumpirma na ng Department of Health (DOH) ang lokal na transmission ng Omicron sub-variant na higit na mapanganib at mabilis na makahawa upang sa gayon ay mapigilan ang paglobo pa ng kaso ng COVID-19.

Batay kasi sa ulat na inilabas ng DOH nito lang araw ng Martes, umaabot pa rin sa bilang na 3,688,001 ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa buong bansa bagama’t umaabot na lamang sa 2,487 ang aktibong kaso.

Nangunguna pa rin ang Metro Manila na nakapagtala ng pinakamaraming kaso ng COVID-19 habang pumapangalawa ang Region IV-A o ang Calabarzon, partikular sa mga lalawigan ng Cavite, Laguna at Rizal na may mga iniuulat na nagkukumpulan sa napakaraming mesa ng ilegal na sugal na nagkalat sa naturang mga lalawigan, lalu na sa Antipolo City, na nagiging dahilan ng hawahan ng mapanganib na virus.

MABUTING PAKIKITUNGO, HUWAG SAMANTALAHIN

TULAD ng inaasahan, magaang naipanalo ng mag-amang Oca at Along Malapitan ang kanilang kandidatura dahil sa maganda at maayos na pamamalakad na kanilang isinakatuparan sa panahon ng kanilang panunungkulan.

Nagwagi bilang alkalde ng Lungsod ng Caloocan si 1st District Rep. Along Malapitan habang tumakbo at nanalo naman sa Unang Distrito bilang kinatawan naman sa Kongreso ang kanyang ama na si Mayor Oca Malapitan.

Talaga namang hindi matatawaran ang magandang nagawa ni Mayor Oca sa kanyang lungsod hanggang sa ikatlo at huling termino niya bilang alkalde na tumimo sa isipan ng mga botante na nagluklok naman sa kanyang anak na si Along bilang kanyang kahalili.

Pero ang kabutihang ipinamaalas ni Mayor Oca ay sinasamantala raw ngayon ng ilan niyang kaibigan lalu na’t malapit na niyang lisanin ang pagiging ama ng lungsod dahil mayroon isang nagtatago sa pangalang alyas “Peter” na malapit daw sa alkalde ang naglatag ng ilegal na aktibidad sa area ng Barangay 163 Sta Quiteria, gamit ang malinis na pangalan ng alkalde.

Naku, kapag nalaman yan ni Mayor Oca, Lagot Ka, baka putulin na ng alkalde ang tanikalang nag-durugtong sa inyong mabuting relasyon.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-3478363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com

AUTHOR PROFILE