‘Phar-MALI’

December 1, 2021 Allan L. Encarnacion 106 views

Allan EncarnacionKahit ano pang ganda ng intensiyon ng Senado na dalhin sa Pasay City jail ang mga iniimbestigahan nila sa Pharmally scandal, hindi dapat natin ito lunukin bilang pagmamahal sa bayan at paglaban sa katiwalian.

Maraming beses na nating nakita ang oversight function ng Senado para pasukin ang lahat ng isyu na gusto nilang pasukin gamit ang kalasag na “in aid of legislation.”

Wala tayong pakialam kahit sa Iwahig o sa Sablayan Island pa nila ipakulong ang mga sangkot sa Pharmally scam pero dapat maliwanag na ito ay nakabatay sa pinal na hatol ng hukuman.

Karaniwan, ang mga convicted criminals sa lower court, may pagkakataon pang umapela sa mismong korte na humatol sa kanya. Kung maibasura sa kanyang korte, mayroon pang Court of Appeals.

Mahaba pang proseso sa apela bago maging pinal ang lower court na hatol. Pero may Korte Suprema pa rin na magdedesisyon para masabing dapat nang dalhin sa selda ng mga kriminal ang mga nahatulan.

Sa ginawang ito ng Senado na pagpapadala sa city jail sa kanilang iniimbestigahan, lalabas na sila ang imbestigador, sila ang prosecutor, sila pa rin ang husgado! Baka gusto na rin nilang maging warden!

Imagine, contempt lang ang kaso pero kasama ng mga pusakal na kriminal.

Alam na natin ang proseso ng imbestigasyon ng Senado dahil sa dami ng mga gustong magpasiklab diyan magmula sa mga nakaraang administrasyon hanggang sa ngayon.

May mga mambabatas talaga na kapag nagtatanong sa mga resource person, ang tingin na agad nila ay suspect sa soft side pero sa hard side, kriminal talaga ang tingin ng ibang senador sa kanilang “imbitado.”

Iimbitahan nila bilang resource person pero ang gusto nila, kapag tinanong ka nila, ang isasagot mo ay ang gusto nilang sagot! Bakit pa kayo nag-imbita? E di sana, kayo-kayo na lang dyan sa Blue Ribbon ang magtanungan at magsagutan!

Malaki ang problema talaga natin sa ibang senador na ang tingin sa kanilang sarili ay imacculately clean. Siguro nga, kung may silya elektrika sa upper chamber, baka sila na rin ang magtataas ng boltahe para matusta na ang kanilang resource person.

Pero isipin nyo itong mabuti, iyong mga taong hindi pa nakakakita ng selda na kinaroroonan ng mga hardline criminals ay bigla mong papasukin doon. Sa tingin ko, beyond in aid of legislation na ang kanilang ginagawa. Ito ay kapritso!

Kung talagang gusto ng mga taga-Blue Ribbon na mapasailalim sa kanilang custody ang mga target nilang “tubigin” hangga’t hindi umaamin, bakit hindi na lang sila magpatayo ng Senate custodial building para doon nila pansamantalang ikulong ang sinumang pinagsusupetsahan nilang magnanakaw?

Inuulit natin, wala tayong pakialam kung gusto nilang patayin sa pamamagitan ng firing squad ang mga sangkot sa Pharmally scam na ito pero sana lang, nasa tamang katinuan ang mga mambabatas.

allanpunglo@gmail.com