
PH tourism slogan nagpapakilala sa husay, talento ng Pinoy – solon
NANININDIGAN ang House committee on tourism na may tourism branding man o wala, kinakailangang mahalin ang sariling bansa na inilalarawan ng slogan na “Love the Philippines” dahil na rin sa hindi matatawarang karangalang natamo ng Pilipinas sa international community sa pamamagitan ng husay at talento ng mga Pilipino.
Binigyang diin ni Romblon Rep. Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona, chairman ng committee on tourism sa Kamara, na hindi lamang ipinapakilala ng Department of Tourism (DOT) slogan ang Pilipinas sa natatanging kagandahan nito, bagkus ang hindi matatawarang husay at talento ng mga Pinoy na naipamalas sa iba’t-ibang panig ng mundo.
Ipinaliwanag ni Madrona na titulo lamang ang “Love the Philippines” slogan ng DOT na nagpapakita at ipinapakilala ang mga magagandang tanawin at makasaysayang lugar sa Pilipinas. Ang napakahalaga sa nasabing slogan ay ang mismong husay, katangian at kultura ng mga Pilipino, dagdag niya.
Sinabi pa ni Madrona na mamumutawi sa bibig ng mga Pilipino at maging ng mga dayuhan ang katagang “Love the Philippines” hindi dahil sa mga nakabibighaning lugar at beaches na matatagpuan sa iba’t-ibang bahagi ng bansa, kundi ang kahanga-hangang husay at talento ng mga Pilipino.
Ayon kay Madrona, hindi ba maaaring masabi ng mga kababayan at mga dayuhan ang katagang “Love the Philippines” dahil sa husay at talentong ipinakita ng mga singer-artist na gaya ni Lea Salonga na maka-ilang beses ng pinarangalan hindi lamang sa Pilipinas bagkus sa ibayong dagat.
Nauna rito, sa kabila ng kontrobersiyang kinasangkutan ng DOT, naniniwala si Madrona na hindi dapat maging hadlang ito para hindi ituloy ng ahenisya ang pagpo-promote sa turismo ng Pilipinas.
Sinabi ni Madrona na hindi dapat magsilbing balakid ang isyung ikinulapol laban sa DOT, bagkus dapat pa nga aniya itong maging dahilan at “motivation” para lalong magpursige ang ahensiya sa pagsusulong ng turismo ng bansa, gaya ng naging mungkahi ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP).
Magugunitang sinang-ayunan ni Madrona ang panawagan ng CBCP para sa DOT na isulong din ng ahensiya ang “faith tourism” sa Pilipinas matapos ang paglulunsad nito ng tourism slogan na “Love the Philippines,” bagama’t naharap kamakailan ang nasabing branding sa kontrobersiya.
Pinaboran ng kongresista ang mungkahi ni CBCP-Episcopal Commission on Public Affairs Executive Secretary Fr. Jerome Secillano na kailangan maisama din ang mga makasaysayan at antigong simbahan sa pagpo-promote ng mga natural resources at sceneries sa mga dayuhang turista.