Martin Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez

PH NASA TAMANG DIREKSYON

November 27, 2024 Ryan Ponce Pacpaco 131 views

Dahil sa pamumuno ni PBBM — Speaker Romualdez

ANG pagtaas sa “positive” ng credit rating outlook ng Pilipinas sa S&P Global Ratings ay sumasalamin umano sa uri ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., at indikasyon na tama ang direksyon ng administrasyon upang mapatatag at mapalago ang ekonomiya ng bansa.

Ayon kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, pinuno ng mahigit 300-miyembro ng Kamara de Representantes, ang pagtaas ng credit rating ng Pilipinas ay isang mahalagang hakbang tungo sa pagkamit ng “A” sovereign rating.

“Ang pagtaas ng ating credit rating outlook ay patunay ng matatag na pamumuno ni Pangulong Marcos. Sa kabila ng kabi-kabilang hamon sa ating lipunan, nananatiling nakatuon ang administrasyon sa pagpapabuti ng kabuhayan ng bawat Pilipino,” pahayag ni Speaker Romualdez.

Ang pagtaas ng credit rating ay nagpapakita rin umano ng mas maayos na pamamahala sa pananalapi ng bansa, matatag na mga reporma sa ekonomiya, at mga patakarang nagtataguyod ng pangmatagalang pag-unlad.

“Ang pagkilalang ito mula sa S&P ay nagpapakita na nasa tamang landas ang ating bansa. Nakikita ng international community ang potensyal ng Pilipinas bilang isang matatag at maunlad na ekonomiya sa ilalim ni Pangulong Marcos,” paliwanag ni Speaker Romualdez.

Binigyang-tuon niya ang mahalagang tungkulin ng Kongreso sa pagsuporta sa mga polisiyang pang-ekonomiya na nagtutulak sa pag-unlad.

“Ang Kongreso ay aktibong nakipagtulungan sa ehekutibo upang maipasa ang mga batas na naglalayong palakasin ang ating ekonomiya at lumikha ng mas maraming trabaho para sa ating mga kababayan,” saad nito.

Kabilang sa mga inisyatibong ito ang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises to Maximize Opportunities for Reinvigorating the Economy Act, o mas kilala bilang “CREATE MORE” Act, at ang mga pangunahing reporma sa buwis na nakapag-hikayat ng mga pamumuhunan at nagpalakas ng aktibidad ng ekonomiya.

Ang mga hakbang na ito sa lehislatura ay naging mahalaga sa pagkamit ng mas mataas na credit rating outlook.

“What does this upgrade mean? Mas marami ang mag-iinvest sa ating bansa dahil sa rating na ito. Mas maraming investment, mas lalago ang ating ekonomiya at mas dadami ang trabaho para sa ating mga kababayan,” ayon pa kay Speaker Romualdez.

“Ibig sabihin, aangat ang kalidad ng buhay ng bawat Pilipino at ito ang magtitiyak ng mas maginhawa at mas matiwasay na kinabukasan para sa ating bansa,” dagdag pa ng pinuno ng Kamara.

Pinasalamatan ng lider ng Kamara si Pangulong Marcos para sa kanyang mahusay na pamumuno sa pagtugon sa mga hamon ng pandaigdigang ekonomiya.

“President Marcos has steered the country through challenging times, ensuring that the economy remains robust and capable of competing on the global stage,” saad nito.

Inilahad din ni Speaker Romualdez ang pagtutok ng administrasyon sa inklusibong pag-unlad, lalo na sa pamamagitan ng mga proyekto sa imprastruktura at mga programang panlipunan na naglalayong tulungan ang mga sektor ng lipunan na hindi nabibigyan ng sapat na suporta.

“Patuloy tayong nakatuon sa mga proyektong magbibigay ng direktang benepisyo sa ating mga kababayan, lalo na sa pinakamahihirap,” dagdag pa nito.

Ang pagkilala ng S&P ay isang paalala sa kahalagahan ng pagpapanatili ng mga reporma at polisiya na nagdala sa bansa sa tagumpay na ito.

Muling binigyang-diin ni Speaker Romualdez ang pagsisikap ng Kongreso sa pagpasa ng mga batas na magpapaigting sa ekonomiya at magpapalakas sa kredibilidad ng bansa.

Tinukoy din ng mambabatas mula sa Leyte ang mga pulitikal na hadlang na naging hamon sa administrasyon.

“Sa kabila ng mga ingay sa paligid, hindi natitinag ang pamahalaan sa layunin nitong itaas ang antas ng pamumuhay ng mga Pilipino,” giit niya.

Hinihikayat ni Speaker Romualdez ang lahat ng sektor na suportahan ang mga pagsisikap ng administrasyon upang mapanatili ang patuloy na pag-unlad ng bansa.

“Ang tagumpay na ito ay bunga ng ating pagkakaisa at pagtutulungan. Patuloy tayong magkaisa para sa ikabubuti ng ating bayan,” ayon pa sa pinuno ng Kamara.

AUTHOR PROFILE