PH nakamit 2 award sa TripZilla Awards ’24
NAKASUNGKIT ang Pilipinas ng dalawang parangal mula sa TripZilla Excellence Awards 2024.
Ipinagmamalaki ni Department of Tourism (DOT) Secretary Christina Garcia Frasco na sa pagdiriwang ng ika-10 taon ng awards, pinarangalan ang DOT dahil sa magandang tatak sa paglalakbay sa Timog Silangang Asya.
Nakamit ng Pilipinas ang Best Dive Destination award na nagpapakita ng mga world-class diving spot nito at pangako sa marine biodiversity conservation.
Ang pagkilala nagpapatibay sa reputasyon ng Pilipinas bilang destinasyon sa pagsisid na nag-aalok ng walang kapantay na mga karanasan sa ilalim ng dagat kasama ang mayamang marine biodiversity at malinis na tubig sa 7,641 na isla nito
Bilang diver at advocate para sa marine tourism, sinabi ng DOT chief na pinahusay ang dive tourism portfolio ng bansa ng award.
Kabilang sa mga inisyatiba na ginawa ang pagpapalawak ng Philippine International Dive Expo (PHIDEX), ang pagdami ng mga dive destinations sa 120, ang paglulunsad ng inaugural Philippine Tourism Dive Dialogue at ang pag-install ng karagdagang hyperbaric chambers sa Dumaguete, Boracay, Puerto Galera at Daanbantayan.
Nasungkit ng marketing arm ng DOT ang Tourism Promotions Board Philippines, ang Sustainability Leader of the Year (Asia) award para sa ikatlong magkakasunod na taon.
Itinatampok ng tagumpay na ito ang matatag na pangako ng TPB sa pagsusulong ng napapanatiling mga kasanayan sa turismo.