
PH mapayapa matapos umalis FPRRD pa-Hague
INIULAT ng Philippine National Police (PNP) nitong Miyerkules na nananatiling payapa at maayos ang pangkalahatang sitwasyon ng kapayapaan at kaayusan sa buong bansa matapos ang pag-alis ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte patungong The Hague, Netherlands.
Lumipad si Duterte sakay ng isang chartered jet bandang 11:03 ng gabi ng Martes upang harapin ang kasong crimes against humanity kaugnay ng kanyang kampanya laban sa iligal na droga, alinsunod sa warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC) noong Marso 7, 2025. Kasama niya sa biyahe ang kanyang dating Executive Secretary na si Atty. Salvador Medialdea.
Ayon kay Police Regional Office 11 director, Brigadier General Leon Victor Z. Rosete, umabot lang sa halos 1,000 Duterte supporters ang nagtipon sa Davao City noong Martes ngunit mapayapa silang nagsiuwian matapos ang balita na lumipad na ang jet na sinasakyan ng dating pangulo..
“Davao City is generally peaceful. Even this morning, we have not monitored any public assembly,” sinabi ng opisyal.
Itinaas ng PNP ang alert status sa heightened alert simula alas-5 ng hapon ng Martes bilang bahagi ng karaniwang hakbang sa seguridad. Naka-deploy ang mga pulis sa mga pangunahing lugar upang mapanatili ang kaayusan at seguridad ng publiko, ayon kay PNP Public Information Office chief, Colonel Randulf T. Tuaño.
Handa rin ang mga yunit ng PNP na umaksyon sakaling may mga kaganapang mangyari, dagdag pa niya.
Tiniyak ni PNP chief, General Rommel Francisco D. Marbil sa publiko na mananatiling mahigpit ang seguridad ng kapulisan sa buong bansa.
“Patuloy na binabantayan ng Philippine National Police ang sitwasyon at handang tumugon sa anumang posibleng kaganapan. May sapat na deployment ng ating mga pulis upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa buong bansa,” ani Marbil.
Sa ngayon, kontrolado pa rin ang sitwasyon sa buong bansa. Patuloy na tiniyak ng PNP ang kanilang pagbabantay at dedikasyon sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa buong Pilipinas, sinabi ni Col. Tuaño.