Frasco

PH malapit nang maging tourism powerhouse ng Asia

September 13, 2023 Mar Rodriguez 410 views
Madrona
Chairman ng House Committee on Tourism na si Romblon Lone Dist. Congressman Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona

Dahil sa husay ng DOT

NANINIWALA ang Chairman ng House Committee on Tourism na si Romblon Lone Dist. Congressman Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona na hindi na maglalaon ay makakamit na ng Pilipinas ang pagiging “tourism powerhouse” sa buong Asya bunsod ng magandang performance at galing ng Department of Tourism (DOT).

Sinabi ni Madrona na halos nasa 75% na ang tinatawag na tourism recovery ng bansa matapos ang dalawang taong pananalanta ng COVID-19 pandemic na nagpahinto sa operasyon ng tourism sector dahil sa mga ipinatupad na restrictions at health protocols kaya naging matumal ang pagpasok ng mga turista.

Ipinaliwanag ni Madrona na pagkatapos ng dalawang taong “health crisis” sa Pilipinas ay unti-unti na naman umaarangkada ang turismo ng bansa dahil sa pagdagsa ng tourist arrivals na sinegundahan pa ng pagdating ng iba’t-ibang turista para manood at saksihan ang FIBA World Cup.

Bilang Chairperson ng Committee on Tourism, ang pananaw ni Madrona ay kahalintulad din sa pagtingin ni Tourism Sec. Maria Christina Garcia Frasco na nagsabing papunta na ang Pilipinas sa direction ng pagiging “tourism powerhouse” sa buong Asya dahil sa dami ng tourist arrivals sa bansa.

Ayon kay Madrona, sa kasalukuyan ay nasa 3.6 million na ang tourist arrivals. Kung saan, kaunti na lamang ay matatamo na rin ng bansa ang target nitong 4.8 million arrivals partikular na sa pagpasok ng buwan ng Disyembre.

Samantala, nagtungo sa tanggapan ni Madrona ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard – Maritime Security Law Enforcement Command (MARSLEC) sa pangunguna ni Vice-Admiral Roy A. Echevarria, Rear Admiral Nelson B. Torre, Commodore Glenda T. Pereyra at Commander Michelle T. Arrojo.

Ang pagbisita ng mga nasabing PCG official kay Madrona ay para abisuhan o bigyan ng impormasyon ang kongresista kaugnay sa napipintong Maritime Security and Law Enforcement School na itatayo sa Barangay Cajimos, Romblon sa lupang ibinagay o donasyon ng Provincial Government ng Romblon.

AUTHOR PROFILE