
PH-Japan solid partnership kinilala ng Kongreso
NAGPASA ng resolusyon ang House of Representatives nitong Lunes na naglalayong palakasin ang kooperasyon sa pagitan ng Pilipinas at Japan sa pamamagitan ng Philippines-Japan Parliamentarians’ Friendship Society.
Isinulong ang House Resolution No. 1146 nina Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” D. Gonzales, Majority Leader Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe, Minority Leader Marcelino C. Libanan, Senior Deputy Majority Leader Ferdinand Alexander A. Marcos at sina Rep. Yedda Marie K. Romualdez at Rep. Jude A. Acidre mula sa Tingog partylist.
Binigyang-diin ni Speaker Romualdez na pinangungunahan ang 312-miyembro ng House of Representatives ang matagal nang matatag at malakas na bilateral na ugnayan ng dalawang bansa, partikular sa mga larangan ng kalakalan, ekonomiya, negosyo, akademiko, technical training, kultura at interpersonal exchange.
Kinilala ng resolusyon ang mga makasaysayang kaganapan na nagpatibay sa diplomasya ng Pilipinas at Japan tulad ng pagpapatupad ng San Francisco Peace Treaty at Japan-Philippines Reparations Agreement noong Hulyo 1956.
Inalala rin nito ang pagkakatatag ng Philippines-Japan Society noong 1971 at ng Philippines-Japan Parliamentarians’ Friendship Society noong 1987.
Itinalaga ang officers at members ng friendship society sina Rep. Glona G. Labadlabad bilang chairperson at si Rep. Ma. Rachel J. Arenas naman ang vice-chairperson.
Higit pa, binigyang-diin nito na ang samahang ito ay itinatag sa tunay na pagkakaibigan, mutual na tiwala, at paggalang, na nagpapalakas sa ugnayan ng dalawang pamahalaan.
Sa pamamagitan ng Philippines-Japan Parliamentarians’ Friendship Society, naglalayon ang parehong bansa na palakasin ang kanilang pagtutulungan para sa regional peace and prosperity, magkaroon ng mutual na pag-unawa at kooperasyon at palakasin ang pagkakaugnayan at pagkakaisa sa isa’t isa.