AFP Source: Screen grab mula AFP FB video

PH di idudulog sa int’l body insidente sa Ayungin Shoal

June 22, 2024 Chona Yu 218 views

HINDI na idudulog ng Pilipinas sa mas mataas na international body ang ginawang pag-atake ng Chinese Coast Guard sa barko ng Pilipinas kung saan isang sundalo ang naputulan ng daliri sa Ayungin Shoal.

Ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin, handa ang bansa na makipag usap o makipag-ayos sa China para maresolba ang alitan.

“That’s not yet in consideration because I think this is a matter that can easily be resolved very soon by us. And if China wants to work with us, we can work with China,” pahayag ni Bersamin.

Nilinaw naman ni Bersamin, chairman ng National Maritime Council (NMC) na hindi nila pinag-usapan ang paggigiit ng Mutual Defense Treaty(MDT).

Sa halip nagbigay lang sila ng ilang rekomendasyon kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kabilang dito ang pagpapatuloy ng routinary and regular rotation and reprovision (RORE) missions sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal sa kabila ng mga ginagawa ng China.

Bago aniya ang RORE mission ay kailangang i-anunsiyo muna ito.

Nauna na rin sinabi ni Bersamin na hindi kinokonsidera ng pamahalaan na armed attack ang panibagong harassment ng China.

AUTHOR PROFILE