Default Thumbnail

Perwisyong ‘jumper boys’ timbog sa SMaRT sa Tondo

November 4, 2022 Edd Reyes 276 views

ARESTADO ng mga tauhan ng Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT) ang dalawang armadong miyembro ng “Jumper Boys” na bumibiktima sa mga trak na pang-kargamento sa kahabaan ng Road 10 Huwebes ng gabi sa Tondo, Maynila.

Sinabi ni P/Maj. Edward Samonte, hepe ng SMaRT, na nag-ugat ang pagtugis nila sa dalawang suspek na kapwa naninirahan sa Bgy. 101 Zone 1, Tondo sa nag-viral na video ng mga jumper boys na naaktuhang nagnanakaw ng mga kargamento ng mga dumaraang trak sa kahabaan ng Road 10 sa Tondo.

Naka-post sa social media ng isang vlogger na may username na “Biyahero TV” ang nag-viral na video kaya’t kaagad na kumilos ang mga tauhan ng SMaRT, katuwang ang mga tauhan ni P/Lt. Col. Rosalino “Jhun” Ibay, commander ng Manila Police District (MPD) Station 1 sa Raxabago, Tondo.

Sinabi ni Maj. Samonte na dakong alas-6 ng gabi nang makatanggap sila ng impormasyon na muling gumagala upang mambiktima sa lugar ang mga “Jumper Boys” kaya’t noon din ay kumilos sila upang tiktikan ang mga suspek, kasama ang mga tauhan ng MPD Station 1 at Tactical Motorcycle Reaction Unit (TMRU).

Dakong alas-11 ng gabi nang masukol ng mga tauhan ng SMaRT sa kanto ng Mel Lopez Blvd. at Jacinto St. ang suspek na may nakasukbit pang hindi lisensiyadong kalibre .38 baril sa beywang.

Itinuro niya ang kanyang kasabuwat na nahuli rin sa follow-up operation sa naturang lugar.

Nakumpiska ng pulisya ang isang sumpak na may bala ng shotgun na kanilang ginagamit ng kasabwat sa pagnanakaw ng mga kargamento.

Ang dalawa ay nahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Regulation Act sa piskalya ng Lungsod ng Maynila habang tinawagan naman ng pansin ni Maj. Samonte ang mga posibleng nabiktima ng dalawa para sa karagdagang kasong isasampa laban sa kanila.

Gayunman, naniniwala si Major Samonte na pansamantalang nabawasan at sana’y tuluyan ng matuldukan o mawakasan ang mga perwisyo sa lugar dahil na rin sa pinalakas na direktiba ni MPD Director P/Brig. Gen. Andre P. Dizon na sugpuin ang masasamang elemento sa kanyang nasasakupan lugar sa lungsod ng Maynila. Ni Edd Reyes at Jon-jon Reyes

AUTHOR PROFILE