Garin1

Pertussis outbreak, pagbabalik ng polio, tigdas isinisi sa maling diskarte ng nakaraang admin

April 1, 2024 People's Tonight 104 views

ISINISI ni House Deputy Majority Leader at Iloilo 1st District Rep. Janette Garin ang pertussis outbreak at pagbabalik ng kaso ng polio at tigdas sa bansa sa naging “vaccine hesitancy” ng publiko noong nakaraang administrasyon dahil nabigo itong pigilan ang pagkalat ng fake news laban sa kahalagahan ng bakuna.

Sa isang press conference sa Kamara de Representantes, tinawag ni Garin ang pagkabigo ng Duterte administration na “Duque-Ubial legacy” na ang tinutukoy ay sina dating Health Secretaries Francisco Duque III at Paulyn Jean B. Rosell-Ubial.

“Bakit sa buong mundo, sa Pilipinas lang nagkaroon ng pertussis outbreak? At bakit iyong polio, bumalik? Bakit nuong mga nakaraang taon, grabe ang mga namamatay sa measles? This is all because of vaccine hesitancy,” ani Garin, isang doktor at kalihim ng Department of Health (DoH).

“My apologies, but I call it actually the Duque and Ubial legacy. Dahil nuong kapanahunan na sila ay nasa Department of Health ay hindi nila pinigilan na magkaroon ng spread ng maraming fake news, iyong nagkaroon ng mga alegasyon na nakakamatay iyong dengue vaccine,” dagdag pa nito.

Ayon kay Garin ang pertussis outbreak ay hindi maaaring isisi sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos.

“Kasi ngayon, kung tingnan mo, walang stock sa DOH, nangangailangan sa community ng bakuna wala, kasi takot ng gumalaw ‘yung ating mga health workers, takot na lang gumalaw ‘yung ating mga eksperto, eh saan tayo papunta?” tanong ni Garin.

“Tapos the current administration will be blamed for the lapses of the previous leaders of the DOH. I think that is also unfair. So, going back, pertussis kills and vaccination saves lives,” dagdag pa nito.

Iniulat ng DOH na mula Enero hanggang Marso 16 ay nakapagtala ng 568 kaso ng pertussis sa bansa kung saan 40 ang nasawi.

“On pertussis, nakakalungkot because it is supposed to be a preventable disease. Noong panahon na wala pang bakuna against Bordetella pertussis, marami talaga ang batang namamatay sa whooping cough, lalo na yung mga one month old up to around 6 years,” wika pa ni Garin.

“Expected na magkaroon ng pertussis na infection kapag kulang ang bakuna. Kapag ikaw naman ay nahawa at ikaw ay bakunado kaya mo siyang labanan. So hindi siya nakakamatay. Unfortunately, nagkaroon tayo ng vaccine scare, specifically noon. I believe the DOH has to address the elephant in the room,” paliwanag pa nito.

Sinabi ni Garin na tumaas ng vaccine hesitancy noong nakaraang administrasyon dahil siniraan ang bakuna laban sa dengue.

“Dapat kasi maintindihan natin ito, kasi itong mga nangyayari during the current administration is actually an offshoot of some mistakes committed during the previous administration. So siyempre kapag denimonized mo iyong isang bakuna at iyong mga pekeng eksperto ay mamamayagpag, mako-confuse iyong tao,” paliwanag ni Garin.

“From a 98% vaccine coverage, bumagsak ito to around 30 to 32%. Kasama diyan bumagsak iyong coverage ng polio, measles, mumps, rubella. Kaya ito, kaakibat nito iyong pertussis,” dagdag pa ng lady lawmaker.

AUTHOR PROFILE